Napakasarap!

Napakasarap humingi ng pasalubong tuwing umuuwi galing sa abroad ang tatay ko. Bagong sapatos, bagong damit, bagong gamit, bagong laptop, bagong kotse, basta lahat ng bago at uso.

Lumaki ako sa isang pamilyang ika nga nila: “powered by an OFW”. Lumaki din ako sa akalang madali lang ang pera. Hinihingi lang eh lalabas na. Kumbaga, parang ATM machine.

“Pa, pahingi naman ako ng pambili… KACHING!!! ” Parang ganoon lang kadali ang mundo.

Di ko malaman kung sobrang sheltered lang ako sa pagmamahal ng nanay at tatay ko or sobrang dali lang talaga ng buhay at lumaki ako sa notion na ganun. Di naman ako spoiled kasi di lahat nakukuha ko pero parang napakadali ng buhay na kinalakihan ko.

Ipinanganak ako sa Sta. Ana sa isang bahay-paanakan noong Marso 1977. Kulang-kulang 18 years old ang nanay ko ng pinanganak ako at bente-uno anyos ang tatay ko noon. Ayon sa kwento ng nanay ko, nanganak daw sya ng walang anestisya kasi na-late daw ng dating ang tatay ko galing sa pagbili ng panturok. Ang inunan ko, itinapon sa ilog sa may Sta. Ana.

Masipag ang tatay ko, kahit undergrad sya sa college nakakuha sya ng magandang trabaho sa isang planta ng sasakyan. Sabi nya noon, sila daw ang gumagawa ng parts ng volkswagen sa DMG. Nagsimula daw sya bilang draftsman tapos naging tool and dye designer. Eventually, nag-apply sya sa abroad kasi lumalaki na raw ako. Dapat nga raw nasa Australia kami kaso naunang kumatok sa pintuan namin ang pagsi-seaman kaya yun ang trabaho nya hanggang ngayon.

Nasabi ko na bang masipag ang tatay ko? Sa sipag at tyaga  nya at sa tulong rin ng mga opisyal nya sa barko nakatapos sya ng Marine Engineering.

Ang nanay ko naman, nag-concentrate sa pagpapalaki sa amin.

Lumaki ako sa Paco, sa Canonigo, sa likod ng Manuel Roxas High School. Sa squatter’s area. Kapag dumadating ang tatay ko noon parang Fiesta, bago ang laruan ko at maraming inuman. Isa ako sa mga batang nagkaroon ng Atari noon. Lahat ng kalaro ko inggit sa akin. Nung grade 2 ako lumipat na kami sa Cavite, kasi sabi ng nanay ko ayaw nya raw ako lumaki sa lugar na kinalakihan nila.

Ang buhay ko sa Cavite ay lalong rumangya kasi nga, Engineer na ang tatay ko eh. Susulat lang ako, pag-uwi nya andyan na ang hiling ko. Nung elementary ako nauso ang pump na rubber shoes, nagkaroon ako nun, Nike Pump. Ngunit, ang lahat ng hiling ko may kapalit, lagi yung may kapalit. Grades. Kailangan mataas ang grades ko para ibili sa akin ang bil-mo-ko request ko. Sinuwerte naman akong pinagkalooban ng medyo mabilis na pang-unawa sa mga klase ko kaya ayun, nakukuha ko yung gusto ko. Nanay ko lang ang hadlang madalas kasi sya ang pulis eh. Kapag sobra na, bawal na humingi.

Dumaan ang panahon, ako naman ngayon ang nagkapamilya. At dumating na ang panahon para ako naman ang tumugon sa pangangailangan ng pamilya ko. Naabutan na ng gastos ang kita ko. Kailangan ko ng mag-abroad.

Sumubok akong umalis ng bansa. Mag-trabaho. Ma-homesick. Napakahirap pala. Sa tuwing makakausap ko ang mga anak ko, tuwang-tuwa sila. Sabay babanat ng request, ps3, psp, iPad, iPhone, laptop at kung anu-ano pang bago. Ako naman, tuwang-tuwang oo-ohan ang mga request nila. Masaya eh. Masaya akong nakakausap ang mag-anak ko. Masaya akong naririnig ang boses nila. Nawawala yung lungkot. Nawawala yung pagod. Di bale ng dose oras ang trabaho minsan. Di bale ng masakit ang katawan madalas. Di bale ng patay sa pagod pagkauwi sa tinutuluyan. Ang mahalaga, masaya ang pamilya ko sa Pilipinas.

Doon ko naisip. Napaka-swerte ko pala sa tatay ko. Hindi ko sya narinigan ng kahit isang angal noong bata pa ako. Di ko sya narinigan ni konting daing tungkol sa lungkot nya kasi malayo sya sa amin. Kung iisiping mabuti, kaya pala ganun na lang ang ngiti ng tatay ko tuwing nakikitang masaya kaming magkakapatid.

Ngayon alam ko na, naiintindihan ko na. Ganito pala ang mundo ng OFW. Masaya na malungkot, pero nawawala lahat kapag kasama mo na ulit or kausap mo na ulit ang mga mahal mo sa buhay.

Now I know what it feels like being on the other side of the fence.