BADING.BAKLA.BINABAE.SHOKLA.

Anong unang pumapasok sa isip mo sa tuwing naririnig mo ang mga bansag na ‘to?

Marahil isang parloristang bihis-babae o kaya naman mga stand-up comedians ng Klownz na pilit pinagmumukhang tanga ang mga sarili makapagpatawa lamang ng mga manunuod. Naiintindihan kita. Ito kasi ang tinatawag na stereotype at ito ang nag-uudyok sa mga taong mapanghusga na isara ang kanilang mga kaisipan sa mga konseptong umiinog sa salitang ‘BADING’.

Sino ba ang tunay na BADING?

Bukod sa mga kinagisnan nating imahe ng mga bading, marami na ring nagkalat na miyembro ng third sex sa iba’t-bang propesyon at bahagi ng ating populasyon. Nariyan ang mga bading na nurse, call center agent, guro, manunulat, aktor, inhinyero, doktor, abugado, at kung anu-ano pa. Name the industry at malamang sa malamang ay may bading na  nakatago dyan. Wala akong kilalang pulis o sundalong bading ngunit hindi nangangahulugang walang bading na nag-exist sa buong kasaysayan ng militar. Totoong hindi lang sa mga industriya ng fashion at entertainment nabibilang ang mga lalaking pusong-babae. Sa modernong panahong ito, hindi na mahirap makakita ng bading in all forms and sizes.

Ngayon, makatarungan bang sabihing ang mga taong ito ay HINDI mga TUNAY NA LALAKI?

Ang kahulugan ng ‘lalaki’ at ‘bading’ ay subjective at depende sa taong magbibigay-kahulugan sa mga ito. Kung ikaw ay isang ordinaryong mamamayang Pilipino na lumaki sa konserbatibong pamilya, hindi na ako magtataka kung ang paniniwala mo ay “ang mga bading ay mga lalake pero ayaw lang magpakalalake”. Tanggap nating ang mga bading ay hindi kailanman mahahagkan ng buo ng Simbahang Katoliko, ngunit ang isyu dito ay hindi kung masusunog ba sa dagat-dagatang apoy ang mga kaluluwa ng mga bading kundi kung ano nga ba talaga ang sukatan ng tunay na PAGKALALAKE ng isang LALAKI?

Tunay na lalaki bang maituturing ang kapit-bahay naming  kaliwa’t-kanan kung mambabae at manloko ng asawa?

Eh ang isang lalaking ginawang almusal, tanghalian, at hapunan ang pambubugbog ng asawa?

Ito ba ang sinasabi nilang “lakas” at “tikas” ng isang tunay na lalaki?

Tunay din bang maituturing ang mga matitipunong kalalakihang walang ginawa buong maghapon kundi tumambay, bumarkada, maghanap ng chicks, magsunog ng baga, lumaklak ng beer at magpalaki ng katawan habang ang pamilya’y patuloy na nalulugmok sa kahirapan?

Ito ba ang ‘astig’ at ‘cool’ na tinutukoy ng mga lalaki?

Sa kabilang banda, marami akong kilalang bading na hindi man pinanganak na ‘astig’ at ‘lalaking-lalaki’ ay buong-pusong ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa buhay.

Sila ang mga bading na kayod-kabayo sa pagiging breadwinners….

Mga baklang nagsusunog ng kilay sa pag-aaral at nagtityaga sa pagtatrabaho mapatunayan lamng sa pamilya nila at sa lipunang umaalipusta sa kanila na ang pagiging bakla ay hindi lamang humihinto sa pagpaparlor, pagkendeng, pagmemake-up at pagbibihis babae….

Mga binabaeng career-oriented na wala mang sariling pamilya ay pilit nagtatagumpay sa larangang kanilang kinabibilangan….

At mga shokla na bagama’t mahina ang loob at katawan kumpara sa mga ‘straight’ ay ginagawa ang lahat upang maging makabuluhan ang kanilang buhay.

Sila and mga homosekswal na hindi nagpapatalo sa mga pagsubok ng buhay.

Sila, pra sa akin, ang mga TUNAY NA LALAKI at silang mga lalaking palamunin ng lipunan, walang sariling paninindigan, at naniniwalang ang ‘lakas’ at ‘dahas’ ay iisa ang mga TUNAY NA BADING.

Alam kong marami pa rin ang hindi bukas ang mga isip. At bilang isang Kristyanong bading, hindi lingid sa akin na patuloy pa rin ang panlilibak at pang-aalipusta sa mga bading na akala mo’y mga payasong ginagawang source of entertainment. Para sa akin, hindi kasalanan ang pagiging bading. Alam kong maraming bading ang gumagamit sa kapwa nila lalaki at pilit binababoy ang kanilang mga sarili. Ngunit ang sabihing imoral ang lahat ng bading ay para na ring pagsabing imoral lahat ng kababaihan dahil pokpok si Aling Bakekang. Enough of the stereotypes. Sabi nga ni Boy Abunda, ang mga bakla ay hindi humihingi ng equal rights kundi equal privileges sa trabaho, oportunidad, at kahit respeto man lang sa mga nakakaintindi. Oo, mga makasalanan at may mga sariling kahinaan din ang mga bakla ngunit ito ay katangian ng lahat ng tao regardless of sexual orientation. At ang kahinaang ito ang syang magbubuklod sa mga bading at sa Poong Maykapal na handang magmahal ano pa man ang ating oryentyasyong sekswal.

Ito na ang tamang oras upang wasakin ang mga mapanghusgang stereotypes ng lipunan.

BADING.BAKLA.BINABAE.SHOKLA.

Sana’y mag-ingat ka sa panghuhusga dahil hindi lahat ng lalaki ay tunay na lalaki at hindi lahat ng bading ay hindi tunay na lalaki.

Ngayon, sino sa tingin mo ang mga tunay na bading?