Image from Google

Nilikha tayo ng Diyos bilang Adan at Eba. Kinilala si Adan bilang lalaki na tagataguyod at haligi ng isang tahanan samantalang si Eba ay itinuring na babae at ilaw ng tahanan. Dalawang magkaibang tao at dalawang magkaibang pagkakakilala. Isang malakas at isang maganda.

Nang mabasa ko ang “Dekada ’70″ ni Lualhati Bautista noong third year high school ako, naramdaman ko ang galit sa asawa ni Amanda dahil sa linya nyang “It’s a man’s world”. Sa loob-loob ko.. Leche! Man’s world ka dyan.. Kung hindi dahil samin wala kayo at wala itong tinatawag nyong mundo na para sa inyo. May iba’t- ibang klase kasi kaming mga babae at ito ang mga yan:

PAHINHIN/TALAGANG MAHINHIN: ‘Yan ung mga babae na lalamya-lamya at walang ginawa kung hindi ang magpacute at hinihintay daw ang Prince Charming nila. Yung tipong gusto lagi silang pinagtatanggol ng Knight in Shining Armor nila. Mga babaeng mga nakayuko ‘pag naglalakad at kung tumawa ay napakahina (parang ipis)

MARTIR: Ito naman ang mga babaeng nagtatanga-tangahan. Karamihan sa mga ‘yan ay sa pag-ibig: mga may asawang manloloko, lasenggero, barumbado at mahilig makipaglandian sa mga pokpok sa kanto. Ginagawa daw nila ang magbulag-bulagan para sa anak at para sa pamilya. Naiintindihan ko naman yun pero minsan try niyo din ipagsigawang napapagod at nasasaktan na kayo!

IYAKIN: Ito yung mga babaeng walang ginawa kundi ang sumiksik sa isang tabi at umatungal. Nakakaasar sila kung minsan pero nakakaawa din. Mga babaeng naghihintay ng taong hindi sila sasaktan at pupunasan ang luha sa kanilang mga mata at mangangakong di na mauulit pa (as if namang matutupad)

PALABAN: Palagay ko, dito ako napapabilang. Ito yung mga babaeng ipinaglalaban kung ano ang tama at nararapat para sa kanila. Mga babaeng walang takot masaktan para sa katotohanan at kapakanan ng lahat. Ito yung mga tipong madapa at madapa man ng paulit-ulit, tatayo at tatayo pa rin para lang mapatunayang matatag sila sa kahit anong laban sa buhay.

Hindi sa galit ako sa mga lalaki. Galit ako sa pananaw nila at ng ibang tao. Isang malaking eksampel (example)..

Kapag nagloko ang lalaki at pinatawad mo ok na kaagad. Wala ng usap-usap yan. Tapos ng issue at makakalimutan na ng lahat PERO ‘pag ang babae ang nagloko. Naku! Kulang na lang eh sunugin siya ng buong barangay at gumamit ng megaphone para ipagsigawan kung ganu sya kalandi at walang kwentang babae. 

Alam ko naman na unfair ang mundo para sa lahat pero sana isipin muna natin ang mga salitang lalabas sa bibig natin bago natin ito pakawalan. Makakasira tayo ng isang tao na walang kalaban-laban. Sa lahat ng mga babaeng katulad ko, huwag niyong hayaang lamunin kayo ng pagmamahal lang. Lahat ng sobra masama. Hindi mo alam na unti-unti ka ng pinapatay nyan. Maging matatag ka at ipaglaban kung ano ang sa tingin mo ay tama. Manindigan ka para sa sarili mo at para sa lahat ng kababaihan sa mundo. At para sa mga lalaki, hindi sukatan ng inyong pagkalalaki ang pambababae at pang-aabuso ng mga babae. Baka dumating ang araw na kayo ang magmakaawa samin. Ang babae ay minamahal at hindi pinaglalaruan at sinasaktan. Iba-iba man kami, iisa lang ang gusto namin at iyon ay ang tanggapin at mahalin niyo kami sa hirap man o ginhawa.