Napagpuyatan namin ng kapatid ko ang mga ala-ala nung kami’y musmos pa lamang. Marami pala kaming mga nagawa nung bata pa kami na kung iisipin mo at aalalahanin mo ay nakakatuwa pala at sobrang nakakaaliw. Apat na buwan na kami dito sa Canada at simula noon ay lagi ko nang pinagmamasdan ang mga ugali ng mga bata dito. Ibang iba talaga. Naninibago ba ako dahil matanda na ako at isa ako sa mga batang pinanganak nung dekada nobenta? O iba lang talaga ang mga batang ipinalaki sa Pilipinas?

Sino ba kasi ang hindi makakalimot sa:

  • Mik Mik – Ikaw na ang magaling kung hindi ka nasamid sa paghigop ng mik mik. Lahat naman na siguro tayo nakakain nito. Meron pa ba ito sa Pinas. Isa ito sa mga paborito ko nung bata ako. Isa siya sa mga kategorya ng mga pagkain sa tindahan na tawagin ay “tagpipiso”.
  • Zoom Zoom - Kung napansin mo pareho sila ni mik mik na inuulit ang pangalan. Itong si zoom zoom may prize sa loob. Pwede ka makakuha ng laruang sundalo, plastik na kutsara, at kung anu mang laruang maliit na pwede ilagay sa loob. Ang mahirap kay zoom zoom ay hindi iisa ang kategorya niya. Pwede kasing dayain ng tindera ang presyo nito. Dos o piso lang yan. Kung medyo pakipot ang tindera ay gagawin niya itong wampipti (1.50).
  • Fried Lumpia - Ito talaga ang pagkaing solid. Dalawang lumpia sa isang yellow na supot. Hindi ko alam kung bakit sobrang adik kami dito nuon. Mas bumenta sakin ito kesa kay mik mik at zoom zoom. Kung papipiliin mo ako kay oreo at kay fried lumpia, si fried lumpia talaga ang pipiliin ko. Naalala ko pa nga nuon, isinasama ito sa mga bag na ipinamimigay sa mga bertdey parti.
  • Bey Blade at Let’s Go - Ang dalawang laruan na mas higit pa kay Transformers. Wala akong masabi sa mga laruang ito dahil hindi ako bumili niyan. Naalala ko lang na lagi pinapagalitan ng magulang ko ang mga kapatid kong lalake dahil bili sila ng bili niyan.
  • Langit Lupa - Ang larong morbid. Ngayong matanda na ako, doon ko lang nalaman na brutal pala itong larong to. “Langit lupa impyerno, im, im, impyerno. Saksak puso tulo ang dugo. Patay. Buhay. Alis ka na sa pwesto mo!” Alam kong kinakanta mo yan ngayon at napaisip ka na rin siguro na nung bata ka ay may utak ka na rin palang pang-Final Destination.
  • Ghost Fighter, Lupin, Voltes 5, Daimos, Pokemon, Doraemon, Mojacko - Anong sinabi ni Dora at ni SpongeBob sa mga ito? Yan ang inaabangan namin nung maliliit kami. Marami pang anime tulad ng Flame of Recca, Samurai X, at Slam Dunk (ginagaya mo pa nga yung style ni Sakuragi diba?) na pumatok sa amin nung maliliit kami. Makakalimutan mo na nga ang asayment mo sa kakanuod nito. Kinakanta pa namin ang mga opening theme nitong mga to kahit Japanese Basta lang tumugma yung tunog at tama ang tono walang mali sa pandinig namin at pagkanta nito.
  • Teks at Pog - Sugal ba kamo? Ang pustahan niyo lang naman ay yung mga napaghirapan niyong teks at pog. Kailangan lamang ng malupit na abilidad ipalipad ang mga ito at isang mahabang kamay pangsukat kung ilang dangkal ang mga naipon mong teks o ang mga itataya mo.
  • 1 2 3 Asawa ni Marie - Tulad ng Langit Lupa ay nangangailangan din ito ng Parental Guidance. “1 2 3 Asawa ni Marie, araw gabi, walang panti.” Napakanta ka na naman siguro at muling napaisip. Bastos ka na din pala nuon.
  • Batibot, Hiraya Manawari, Bayani, Wansapanataym, etc. - Kung anime sa hapon, ito ang sa umaga. Ang dalawang teleserye ng batang pinoy. Puno ng aral at malilikhaing mga palabas. Hindi ko ba alam kung bakit wala na ito. Mas makabuluhan nga ito kaysa kay Dora at Diego.
  • Marimar at Rosalinda - Kung ikaw ang batang ayaw kay batibot ito ang inaabangan mo. Hindi ko alam kung bakit hindi kami pinagbabawal panuorin ito kahit panay ang kulit ng TV na isang itong PG. Siguro kasi inaabangan din ito ng lola ko kaya hindi kami pinagbawalan ng nanay ko.
  • Gumamela Babols - Tipid at masayang laruin. Ang problema lang sa “laruang” ito ay sobrang matrabaho. Didikdikin mo ang gumamela, isasawsaw sa tubig na may sabong panlaba, at hahaluin. Ano ang gagawin mo sa tangkay ng sinira mong gumamela? Gawin mo itong isang gadyet na gagamitin mo para makahipan ka ng babols o kaya kumuha ka ng istik mula sa walis ting-ting ninyo. Siguraduhing hindi ka makikita ng nanay mo kundi lintik ka na namang bata ka.
Marami pang mga bagay-bagay nung bata tayo na sobrang nakakaaliw. Hindi na ginagawa ng ibang mga bata ngayon ang nagawa natin noon. Nauso na kasi ang mga bidyo geym at mga kompyuter kaya hindi mo na sila makalaro ng tumbang preso at taguan. Nakakamiss naman talaga maging bata. Alam kong may iba din kayong mga naranasan noon pero magkakapareho tayo sa iisang bagay: dumaan tayo sa pagiging isang “BATANG DEKADA NOBENTA”.
Enhanced by Zemanta