HIRAP MUNA BAGO SARAP
Bakit kailangang masaktan ang puso kapag nagmahal kung paanong kailangan mong pasuin ang iyong dila para makatikim ng mainit na sabaw?
Halos tatlong taon na akong pabalik-balik sa dentist ko. Hindi ko pa rin magustuhan ang tunog ng mga maliliit na makina at ang hitsura ng mga kutsilyo at lagare at pandukal na maliliit na kaylan man hindi ko tinawag na cute! Dapat buwan buwan ang konsulta ko sa clinic pero talaga namang minsan ay tinatalaban ako ng panlulumo sa tuwing kakalikutin ni Doc ang aking bibig. Hindi ko malampasan ang sensayon ng “ngilo” at tunay na itoy nagpapalupaypay sa akin. Nakabraces pa rin ako. Ngayong taon tatanggalin na ang bakal. Kapalit ng ngiti ay ilang taon ng pagpupunyagi. Masakit. Magastos. No pain No gain.
Gaanong kabigat pang bakal at ilang balde pang pawis ang titiisin ko para lumobo ang kapurat na biceps? Kung gusto mo ng magandang katawan hindi ka pwedeng bumili sa mall o kaya’y magpatimbang sa palengke. Kailangan mag-miyembro sa gym at sumunod sa fitness program. Physical endurance ay lalampasan mo pero higit ditto ay ang emotional at intellectual stress… Hindi simple ang maging malusog! Sampalin mo ang duktor mo sa brgy clinic nyo kapag sinabi niyang madaling maging malusog! Hindi ka kakain ng paborito mong cheese burger tapos hindi ka iinom ng coke na siya lamang available sa tindahan? Ano magpapakamatay ka sa uhaw? Halos dalawang taon rin akong vegetarian at isang napakalaking kahihian ang dinanas ko. Nahiya ako sa mga tao dahil tingin nilay isang kaartehan ang makasama ako sa hapag kainan. Nahihiya ako sa mga kantina kapag naghahanap ako ng gulay kasi ang luto nila ay baboy, baka, isda… Maarte o walang pera kaya naghahanap ng pagkaing wala! May 1, 2008 muli akong tumikim ng paborito kong pochero.
Sadyang ang buhay ay isang kalungkutan! Hindi na ito malaking thesis na dapat pagdiskusyunan. Hindi ako nagpo-propose. Inaalala ko lamang kung paanong sumusulat ako ng walang humpay kahit minsan alam kong walang bumabasa. Parang kung paanong ako ay humihinga, magpapatuloy ako! Ito lamang ang paraang alam kong gawin upang maitawid ang kalungkutan at napakarami pang kalungkutan sa aking maikling buhay!
Isinilang at mamamatay akong mag-isa. Makahanap man ako ng asawa at magkaroon ng anak. Magisa pa rin akong tutubos sa malalagot na hininga. Sadyang kayrami na ngayon paraan para pagkalibangan dahil ang sarap at konteng takas sa kalungkutan ay mura na lamang. Pero ang kaligayahan ay malalim. Ang maging Masaya ay hindi lamang malaking pay check o magandang asawa o masarap na sex… May higit pa sa lahat ng iyon.
Gaano man ang bayad ng kaligayahan. Paano man natin tinatawid ang kalungkutan. Isa lang ang alam ko: Masarap munang magtiis bago tumikim ng ginto!
©Copyright 2011, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.



Nice one!!!! nakak aliw!sulat pa