December 06, 2007

 

 (Naaalala mo pa ba?)

 

Unang araw ng klase, walang kibuan kahit panay ang  bida ng iba.Tahimik lang tayo sa isang tabi at nagmamasid sa kanila.

Ngunit ang apat na sulok ng silid-aralan ay sadyang makapangyarihan. Kusang nagpatangay sa agos ng eskwela. Doon unti-unting nagkakilala.  Sa paglipas ng mga araw at bawat semester na magkakasama ay ating napag-alaman na tayo’y pinagkaisa at nabuo ang barkada!

Iba’t-ibang ang personalidad, ibat’-iba rin ang kinalakihan. Ngunit nang magtipon ay sadyang kakaiba!  Natutong umunawa sa pagkakamali ng isa. Natutong tumawa nang walang pakialam sa iba. Nagtutulungan at labis ang suporta natin sa bawat isa!

 

(Masarap balikan di ba?)

 

Ngunit di  rin  nawala ang tampuhan, ang inggit, at kaunting kababawan. Saksi ang bawat silid na ating pinasukan, ang canteen na ating kinakainan, maging ang library ay di rin nakatiis na sawayin tayo sa ating mga kulitan.

Saksi noon ang Unibersidad sa ating masasayang araw. Saksi din ito sa ating mga tampuhan. Teka…Naalala mo pa ba ang dramahan natin doon sa may CR? Naging piping tagapakinig ito sa bawat hikbi at hinaing nang ating mga pusong nasasaktan.

Dumating din ang panahon ng tag lagas— buti na lang at may salitang libre at utangan. Ngunit di ba’t mas masarap pa rin ang libre? (hehehe)

Kahit may sariling mundo ang isa at paimportante sa oras…

Kahit may pagkamoody at napakataray ang isa at laging nakasimangot…

Kahit napaka cool ang isa at parang minsan ay parang walang pakialam….

Kahit alas kador ang isa at sobrang lakas mag power trip…

Buti nalang may isang mediator sa barkada at mahaba ang pasensya…

 

(Tamang tama ang timpla natin sa isa’t-isa.)

 

Sana ay nasa puso rin ninyo ang nasa puso ko (wow!), na kahit yumaman ka man, kahit mag-kaanak ka ng sampu, kahit napaka gwapo ng iyong mapangasawa, mamatay man ang alaga mong aso, sana’y manatili sa inyong mga puso na may Friendship na nabuo dahil sa Adamson. (Endorsement ito!)

 

(Pero teka? Nasan na nga ba kayo ngayon?)

###

 

 

By: Mary Rose B. Magcamit

Edited Version 102411