Matagal ko nang gustong tuklasin ang misteryo na bumabalot sa pagkatao ng bagong lipat na kapitbahay namin. Bukod sa galing daw sila sa isla ng Siquijor, wala na kaming ibang alam tungkol sa kanya at kanyang buong pamilya.

Tahimik na tao lang si Mang Francisco, isang biyudo. Hindi siya palakibo. Mailap ang mga mata kapag kinakausap. Mahilig siyang magsuot ng kulay itim. Mayroon din siyang mga gamit na hindi pangkaraniwan sa ating mga taga-lungsod. Tulad ng mga botelyang may lamang ugat, isang maliit na krus na gawa sa kahoy at nakababad sa langis. Gamit daw niya sa panggagamot. Siya daw ay isang albularyo. Sabi ko sa sarili ko at ayon na rin sa mga naririnig ko sa mga pilosopong matatanda, ang isang mangkukulam daw ay siya ring nakagagamot sa taong nakulam. Tinanong ko rin siya kung bakit mayroon siyang manikang gawa sa itim na tela. Ang sabi niya gamit daw iyon lalagyan ng karayom dahil mahilig daw manahi ang kanyang anak na babae.

Confirmed! Galing sa isla ng Siquijor, pagkahilig sa itim na kasuotan, mga ugat ng halaman at langis, manika at karayom. Unti-unti nang nabubuo ang hinala ko at ngayong araw ng undas kailangan kong mapatunayan ito. Bukod daw sa mahal na araw (Huwebes Santo at Biyernes Santo) sa araw daw ng undas nagpapalakas at sumusubok ng kanilang galing ang mga taong may tinatagong itim na manika.

Alas dose ng gabi, lakas loob akong sumubok sa likod bahay ni Mang Francisco. Madilim ang paligid, bikod sa isang nakasinding kandila sa ibabaw ng altar, wala nang ibang liwanag sa loob ng kabahayan. Kinilabutan ako at nanindig ang mga balahibo ng makarinig ako ng isang tinig na tila umuusal ng isang sumpa o orasyon!

“Nike ah bergen, Tak poh da beye mers tame. Nike ahhh bergen, Nike ah haybit naks oh mayne.”

Takot man ang bumabalot sa akin, pinilit kong malaman ang pinanggagalingan ng tinig na may saliw pa ng tugtugin. Sumilip ako sa butas ng kanilang ding-ding. Napalitan ng halakhak ang nararamdaman kong takot. Si Trixie lang pala, ang anak na bading na ngongo ni Mang Francisco, kumakanta ng “Like a Virgin” ni Madonna.