Umuwi na si Bethie…
Miyerkoles ng hapon…
“Ano ba ‘yan? Ba’t kaya patay ang cellphone ni Bethie?” Tanong ko sa sarili ko nung nag try akong tawagan si Bethie. Kunsabagay, kahapon pa naman patay ‘yung Du line nya…Siguro nga nagbawas na sya, iyong isa na lang ang itinira. Bagaman nalungkot ako, naintindihan ko sya. Nakakalungkot ang pagpapaalam, lalo na sa mga taong nakasama at nakapalagyan na ng loob…
Nakilala ko si Bethie…iyon ang tawag ko sa kanya madalas. Elizabeth ang buo nyang pangalan, Beth ang tawag ng karamihan, pero ako Bethie. Nagkakilala kami sa trabaho, hindi magkasama pero parehas kami ng area nang pinapasukan. Doon kami nagkikita at madalas na nagkakasalubungan. Hustong ngiti at tango lang kami, bilang pagkilala at paggalang sa isa’t isa.
Busy pa kase kami noon sa kanya kanyang trabaho, at mahiyain. Lately na lang kami nagkakwentuhan. Hindi na kasi ako busy at tutok sa trabaho, may time na sa pakikipag kuwentuhan. Nitong mga huling buwan nga eh nakakatambay na ako sa lugar nila. Nagkukwentuhan lang, nagkakasabay kumain kung minsan.
Masaya pag night duty. Wala kase ang mga bossing namin. Walang maninita, walang magbabawal. Kasama noong iba pang mga kabayan, tambay tambay kami sa kanila, kuwentuhan at kainan. Sabay sabay nakain…Fried rice sa madaling araw! O kaya biryani… Nakaka miss din. Tanda ko si Bethie hindi kumakain ng gulay. Kaya pag na order kami, ” friend, fried rice with no vegetable” agad ang bilin. Kase pag nakalimutan, naku po! Katakot takot na pilian…Eh ang mahirap, ang liit ng gayat ng mga gulay. Kawawa ang ka share nya, kase siya ang mamimili ng mga tinadtad na dahon dahon! Hahaha…
Kung minsan may baon siyang nilabong itlog, chicharon o tinapay. Hanggang ngayon napapatawa pa rin ako pag naalala ko, nakapaglakad ako sa loob isang international airport na may hawak na nilabong itlog!
Syempre pagkatapos ng kainan, sabay sabay rin pagpunta ng CR. Maingay nang konti, isang hanay ba naman kami kung maglakad, at gitna ng tahimik at walang taong arrival area, naglalakad kami at nagtatawanan. kung minsan, napapagusto ng kape, sama sama pa rin sa vending machine. Tambay sa labas, gala gala…
Nakaka miss talaga, at napapangiti ako pag naalala ko ‘yon…
Kaya lang kinailangan nang umuwi ni Bethie… Family matter… Personal…Bagaman nakakalungkot, kailangan naming mga kaibigan at kasamahan nya na pakawalan sya at hayaang umuwi sa Pinas. Naghihintay ang kanyang pamilya, ang kanyang magulang at kapatid, at ang mga nagmamahal na kamag anak nya sa kanilang lugar.
Alam ko naging masaya man si Bethie rito, wala pa ring papalit sa sayang mararamdaman nya sa kanyang pagbabalik, sa naghihintay na magulang at kapatid… At sana sa pag uwi ni Bethie, ay di niya makakalimutan ang mga lugar, mga bagay at mga taong nakasama niya rito. Sana lagi pa rin niya kaming maalala, lalo na sa oras ng pag iisa.
Tandaan mo Bethie, sobrang layo ka man sa amin, may YM, FB at email naman. Kung nalulungkot ka, “wag kang mahiyang “i-poke” o ‘i-buzz” kami para sabihin kung anuman ang bumabagabag sa’yo… May konkretong plano ka man o wala sa iyong pagbalik, sana lagi mong isipin na “everything happens for a reason”. Di man natin maintindihan lahat ngayon, darating ang panahon na mauunawaan natin at matatanggap ang mga bagay bagay. Basta wag ka lang mawawalan ng pag asa. “Yun na lang ang kaseguraduhang meron sa buhay natin, di mawawala o mananakaw kahit kailan. Bawat isa ay umaasa ng maganda at maayos na buhay. Kanya kanyang timing lang, o ‘schedule’ ika nga. Darating ang ‘sked’ mo…
At darating ‘yon for sure, dahil mabuti kang tao, bilang anak at kapatid at kasamahan. Ang kasemplihan mo ang lagi naming maalala at patuloy na panghahawakan hanggang sa muli nating pagkikita.
Pa’no nga pala ‘yan, ‘di na matutuloy ang plano nating “buy one take two”…
Sayang lang, ‘di ka na namin mayayakap sa’yong kaarawan… Happy Birthday Bethie!
©Copyright 2011, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.


