Nabasa ko sa Yahoo! News na nakamit ng ating bansang Pilipinas ang “all-time high” na 204 Human Immunodeficiency Virus o HIV cases sa buwan Hulyo ng kasalukuyang taon ayon sa Deprtment of Health. Sa madaling salita, pitong Pinoy ang tinatamaan ng nakamamatay na virus kada 24 oras. Ito ay mas mataas sa average ng nakaraang taon na limang HIV patients daily. Sa ngayon, isa ang Pinas sa pitong bansang patuloy na tumataas ang kaso ng HIV at Acquired Immunodefieciency Syndrome o AIDS kasama ang Armenia, Bangladesh, Georgia, Kazakhstan, Kyrgyzstan, at Tajikistan.

Sa panahon ng efbee at mga tabletang sobra sa high-tech, parang pangkaraniwan nalang kapag nabalitaan mong may isang taong dinapuan ng sakit na ito. Ang impresyon lang ng karamihan, wild at adventurous ang naka-jackpot sa sakit na hanggang ngayon ay wala pang lunas. Parang “wala lang” at “eh ano ngayon?“. Dedma.

Noong Dekada NoBenta, ang sakit na ito ay hindi pangkaraniwan. Isa itong kinatatakutang salot na dahil sa bago pa noon ay kung anu-anong haka-haka at paniniwala ang nabuo.

Pero bago ko simulan ang kuwentong walang kuwenta, alamin muna natin ang kaibahan ng taong may HIV at taong may AIDS dahil hindi naman ibig sabihin na kapag ang isang nilalang ay HIV+, siya ay may AIDS na. Ayon sa pagsasaliksik, “HIV is a condition in the human body in which there is a progressive deterioration of the immune system (body defense) or the ability to fight off disease. AIDS is a disease of the human immune system when it is greatly weakened by HIV. This makes the infected individual vulnerable to other life threatening infections.“. Now you know. Huwag mong sabihin balang-araw na “I was not informed!“.

Ang unang kaso ng AIDS sa bansa ni Uncle Sam ay noong June 5, 1981 na kinasasangkutan ng limang binabae. Noong una ay GRID ang itinawag dito o “gay-related immnune defieciency“. Tinawag din ito ng Center for Disease Control (CDC) na “the 4H disesase” dahil ang mga karaniwang nagkakaroon nito ay ang mga Haitians, homosexuals, hemophiliacs, at heroin-users. September 1982 unang ginamit ng CDC ang medical term na AIDS.

Sa unang taon ng nineties, ginulat ang mundo ng musika sa pagpanaw ni FREDDIE MERCURY ng bandang Queen noong November 24, 1991. Kahit na noong 1987 pa siya na-diagnose sa pagiging HIV+, nalaman lang ng madla ang kanyang karamdaman isang araw bago siya pumanaw. Siya ang kauna-unahang “sikat” at tinitinigalang homosexual celebrity na yumao sa pagputok ng Dekada NoBenta. Ang “The Freddie Mercury Tribute Concert for AIDS Awareness” na ginanap noong April 20, 1992, ay ang isa sa mga benefit concerts na nagmulat sa mundo pagdating sa sakit na ito.

Ang kauna-unahang high profile heterosexual na yumao sa sakit na ito noong nineties ay si ARTHUR ASHE, isang African American tennis player na nanalo ng tatlong Grand Slam titles noong kanyang kalakasan. Ayon sa mga kuwento, nalaman niyang siya ay HIV+ noong August 31, 1988 at nakuha niya raw ito sa pamamagitan ng blood transfusions na ginawa noong siya ay dumaan sa isang operasyon para sa kanyang puso early 80′s. Dahil ang sakit na ito ay kinatatakutan ng lahat, inilihim niya ito sa madla hanggang April 1992. Pumanaw siya sa sakit na AIDS-related pneumonia noong February 6, 1993.

Ang isa sa mga ‘di ko rin malilimutang balita na pumukaw sa atensyon ng buong mundo noong mga unang taon ng dekada ay ang pasabog ni EARVIN “MAGIC” JOHNSON, ang sikat na sikat na point guard ng L.A. Lakers na naglalaro para sa National Basketball Association o NBA. Nasa first year highschool ako noong mapanood namin sa teevee ng lola ko ang news flash ng GMA7 na nagpalabas ng anunsiyo ng malufet na basketball player. November 7, 1991 nang ibalita ni Magic na magreretiro na siya dahil sa pagiging HIV+. Nooong una ay sinabi niyang hindi niya alam kung paano at saan niya nakuha ang sakit pero nang lumaon ay inamin niya rin ang pagkakaroon ng multiple sexual partners. Noong mga panahong iyon ay bihira pa ang makakuha ng sakit na ito sa pamamagitan ng heterosexual intercourse kaya nagkaroon ng tsismis na siya ay bading o bisexual. Itinuro niya si Isiah Thomas na nagkakalat ng paninirang-puri na matindi namang pinabulaanan ng huli. Nakapaglaro pa siya sa 1992 NBA All-Star Game kahit na marami sa mga players ang maglaro siya sa court sa pangambang baka masugatan siya. May isa namang tsismis na wala naman daw talagang sakit si Magic. Na-Mafia lang daw siya at ang sakit ay isang palabas lang para hindi na siya makapaglaro sa NBA.

Maraming taong takot sa sakit na AIDS. Ang problema nga lang noon ay hindi naman alam ng karamihan kung ano ang dapat katakutan. Sa Pilipinas nga lang ay nagkaroon ng AIDS scare kung kailan takot ang mga taong magpunta sa mga malls dahil sa balitang may nagtuturok daw ng virus sa mga pampublikong lugar. Isang urban legend na hindi malilimutan ng mga batang nineties…

CLICK HERE TO CONTINUE READING “A.I.D.S. DOES(N’T) MATTER

 

JAYSON BUBAY QUITIQUIT is a 32-year old civil engineer currently working in Chaozhou, China. He is a frustrated blogger and former guitarist of an unknown band called Demo From Mars. He maintains several blogs namely NoBenta, Noong Ako ay Bata Pa…, Paul & Xander, and Frontispiece 2.0.