Damang-dama ko pa ang hibla ng alak nyung nag-inom kami nila boss, matinding sakit sa ulo ang naranasan ko na na parang naging bowling pin at may tarantadong nag-bobowling sa isip ko.. Masaya kami, maraming napagkwentuhan, maraming sharing na naganap, maraming pangarap ang nabuo at bihira kang makakita ng taong nakasimangot dahil lahat ay nakangiti sa bawat kwentong naririnig.. Sa bawat tagay ng alak, sa bawat pag-pass ng barkada, sa bawat lamon ng pulutan, sa bawat suka na naranasan, ibang-iba pa rin ang mag-inom na kasama mo ang barkada kumpara sa kainuman mo ang ibang lehitimong tao sa buhay mo..

Alam ko, sa dinami-dami ko ng naging kaibigan, maaaring di ko na kilala ang mangilan-ngilan dito kaya ngayon pa lang humihingi na ako ng tawad sa inyo dahil di ko na maalala ang mga pangalan ninyo at dun sa mga taong nanghihingi ng konting panahon sa’kin, maaari lamang po na humingi kayo ng appointment sa’kin para magawan natin ng solusyon ang problema niyo..

Naaalala ko pa ang sinabi sa’kin ng aking magulang na sa dinami-dami ko raw na kaibigan e malamang bilang lang raw sa daliri ko ang mga tunay na kaibigan at yung tipong maaasahan ko sa kagipitan ng buhay, naisip ko nyung sinabi sa’kin yun e tama rin sila dahil lumalabas na talaga ang mga taong iyon at di ko na siguro kailangan pang sabihin kung sino kayo kasi alam niyo naman kung gaano na kayo katimbang sa buhay ko, maaaring may mga pagkakataong di ko kayo naaasikaso ngunit nagiging abala lang ako sa mga problemang tinatahak ko kaya huwag naman sana kayong magtampo dahil darating din ang pagkakataong magkikita tayong muli at sabay natin yayakapin ang tagumpay at tutulungan ang ating mga ka-pamilya, kapuso, kabarkada at mga taong mahal natin..

Minsan umabot sa punto na pinapili tayo ng ating mga magulang kung sila ba o ang mga kaibigan natin, ang hirap sumagot sa sitwasyong iyon dahil alam natin na mahal na mahal natin ang ating pamilya pero halos sa buong araw na nasa eskwelahan ay di malayong masaya tayo sa piling ng ating mga kaibigan kaya ito ang eksena sa buhay na pilit kang pinapapili sa parehong bagay na ikinasisiya ng buhay mo.. Ang daming bawal pero bakit sa mga ipinagbabawal na ito ay karamihan gusto nating gawin hindi dahil sa na-curious ka lang pero dahil masarap talaga ang bawal..

Pagrerebelde ba sa magulang ang solusyon?? o dapat lang nating lawakan ang ating pang-unawa sa kung ano ang tama sa mali at mali sa tama.. Ang daming beses na nating ipinangako sa’ting mga sarili na hinding-hindi ko na gagawin ang bagay na iyon pero saan ba tayo pinulot ng pangakong iyon kundi sa kasalanang di natin mabitiwan kasi nakasanayan na nating gawin at halos parte na ng buhay natin na parang ikamamatay mo pag di mo ginawa..

Nasa sa atin ang huling desisyon, nasa atin ang pribilehiyong pumili kung ano ang magiging landas natin, tayo ang presidente, hari o emperador ng ating sangtwaryo.. Ito ang buhay na pinili natin kaya nararapat lang na bigyan natin ng pagpapahalaga ang bawat eksena sa kung anumang sitwasyon ang ating tatahakin..