‘Wag na nating pagtakpan na ang bansa natin sa ngayon ay mahirap, maraming problema at ang iba nga ay itinuturing pa itong miserable. Oo, sa lahat ng bansa ay may korapsyon ~ iba’t-ibang antas nga lang, lahat ng bansa ay may kahinaan at hindi lahat ng mamamayan sa mayayamang bansa ay mayaman din. May mga naisulat na tungkol sa kahinaan ng ating bansa pero hindi katumbas ito na niyuyurakan at tinatalikdan na ang ating bansang Pilipinas, marami nang naisulat na katiwalian ng ating mga lider pero hindi ibig sabihin nito na ikinahihiya na ang pagiging isang Pilipino bagamat ‘di rin naman dapat ito ipinagmamayabang.

Kung hindi mo kayang maging makabayan ‘wag mo naman sanang pandirian ang bansa mo wala itong kinalaman sa pagiging ganid ng maraming pulitiko. Kahit ano pa ang sabihin sa bansa natin wala ka nang magagawa du’n, lahat ay may sariling opinyon. Ipinanganak kang Pilipino at mamamatay kang Pilipino kahit legal ka pang magpalit nang nasyonalidad. Kung hindi natin kayang paunlarin ang Pilipinas, paunlarin mo na lang ang buhay mo sa ganoong paraan masasabi mong matagumpay ka sa sarili mong pagsisikap at kasunod nito liligaya rin ang buo mong pamilya; ‘wag mong sisihin ang Pilipinas kung hindi ka man naging matagumpay sa buhay. Kung ninanakawan tayo ng ating lingkod-bayan nang lantaran man o hindi ayaw kong sabihin na: “hayaan mo sila” pero lubhang napakaliit lang natin para sila’y pagbaguhin at gibain; sa ibang paraan na lang sila mahuhusgahan at alam mo na ang ibig kong sabihin.

Sawa na rin ako sa balita nang kahirapan at kabalastugan sa Pilipinas subalit kung tutuusin at kung ikukumpara ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo; ‘di hamak na mapalad pa rin tayo. Kung ikukumpara ang ating mga kalagayan sa sitwasyon ng naninirahan sa mga bansang aking babanggitin baka sumang-ayon ka rin. Sa kabilang banda, hindi rin naman tayo dapat magdiwang dahil alam natin mas may igaganda pa ang estado ng ating katayuan, mas may iuunlad pa ang ating ekonomiya kundi lang sana nalason ang pag-iisip ng mga namumuno sa atin mas kaunti sana ang naghihirap na Pinoy, kung naipapatupad lang sana ang magagandang programang para sa sambayanan baka hindi tayo nakalugmok ngayon sa kahirapan. Siguro’y tama nang ipagpasalamat natin na ang Pilipinas pala’y hindi ganoon kamiserable kagaya ng iniisip ng marami sa atin.

Ayon sa United Nation ang paggamit ng Internet ay isa ng Basic Right kaya’t mapalad tayo dahil malaya nating naipapahayag ang ating mga boses sa pamamagitan ng Internet, malaya tayong bumatikos at pumuna sa mga katiwaliang ating nakikita, may laya tayong magbigay ng kritisismo sa Pamahalaan dahil bahagi ito ng ating demokrasyang tinatamasa ‘di tulad sa mga bansang Belarus, Burma, China, Cuba, Vietnam, Laos, Cambodia, Egypt, Iran, North Korea, Saudi Arabia, Syria, Tunisia, Turkmenistan, Uzbekistan at Vietnam. Ang pamahalaan sa mga bansang ito kundi man bawal ang paggamit ng Internet ay matamang sinisiyasat at minomonitor ang bawat sabihin at batikos ng isang Internet user laban sa gobyerno. Kung dito ka nakatira at isa sa iyong kaligayahan ang mag-internet at gumawa ng blog kailangan mong mag-ingat sa bawat salitang iyong isusulat dahil kung hindi problema ang aabutin mo ‘di gaya sa bansa natin na kahit papaano ay may laya tayong magbitaw ng ating kritisismo laban sa mga namumuno at opisyal ng gobyerno. Aminin man natin o hindi, mas malaya ang bansang Pilipinas kaysa sa mga bansang nabanggit.

Minsan nang nagbanta sa atin ang El Niño o malawakang tagtuyot ngunit ‘di naman ito nagtagal dahil agad din namang umulan sa panahon na kinailangan natin ng tubig nang halos kritikal na ang ating sitwasyon. Subalit sa mga bansang Afghanistan, India, Pakistan at Sri Lanka ay nararanasan ito isang beses sa loob ng tatlong taon; samantalang sa mga bansang Bangladesh at Nepal ay madalas ang napakalalang tagtuyot na labis na nakakaapekto sa kanilang agrikultura resulta nito’y kakulangan sa pagkain. Kaya sa sandaling umulan sa Pilipinas ‘wag magmukmok at magmura isipin na lang ang mabuting dulot nito para sa ating mga magsasaka. Ngunit ibang usapan na ‘pag bagyo ang sa atin’y sumagupa, ipanalangin na lang natin na hindi ito kasingtindi ni Ondoy.

Maraming Pinoy ang nag-aalala at natatakot sa kaguluhang ihahatid ng mga rebelde, masasamang elemento ng lipunan at mga bandido dito sa atin kabilang na ang NPA, Abu-Sayaff, holdaper, tiwaling mga pulis at militar at iba pa subalit kung iisipin mo ‘di hamak na mas estabilisado pa tayo sa ibang mga bansa kung pag-uusapan ang ekonomiya at pulitika. Maraming bansa ang mas nakakatakot at mas mapanganib kaysa bansa natin dahil sa kahinaan ng kanilang ekonomiya, pulitika at sandatahang armas laban sa tunay na terorista; lingo-linggo ay daan-daang katao ang namamatay dahil sa iba’t ibang uri ng karahasan (terorismo, suicidal attacks, atbp). Mga karahasang walang mabuting dahilan at walang kongkretong kadahilanan na ang nais lamang ay ipalaganap ang takot sa mamamayan, kahit na ang simpleng paglabas ng bahay at pamamasyal ay parang isang misyong imposible. Kabilang dito ang mga bansang Teritoryo ng Palestinian, Zimbabwe, Lebanon, D.R. Congo, Sudan, Pakistan, Haiti, Afghanistan, Iraq at Somalia.

Nababalitaan at napapanood mo ba sa telebisyon ang kaguluhang nagaganap ngayon sa Libya, Turkey, Syria, Yemen, Afghanistan at Sudan? Balot ng takot at pangamba ang mga residente dito dahil sa digmaan ng gobyerno at ng kanyang nasasakupan. Bayolente na ang magkabilang panig at handang mamatay at pumatay para lamang maipagtanggol ang kani-kanilang ipinaglalaban. Mahimbing pa kaya ang tulog natin kung sa ating bansa ito mangyayari? Takot din ang umiiral sa mga Koreano dahil anumang oras ay maaaring sumiklab ang digmaan sa pagitan ng nagbabangayang North at South Korea, gayunding takot ang nararamdaman ng mga Israelitas at ng mga Palestino dahil sa hindi matapos-tapos na pag-aagawan ng teritoryo. Kaya’t ipagpasalamat natin na hindi pa humahantong sa ganyang antas ng kaguluhan ang ating bansang Pilipinas.

Sa tuwing may parating na bagyo sa atin marami na ang nag-aalala at natatakot, pa’no pa kaya ang patuloy na banta ng lindol at kung minsa’y tsunami? Ang maunlad na bansang Japan ay ito ang mabigat na suliranin sa halos araw-araw ‘wag nating sabihing sanay na sila dito dahil walang sinumang tao ang gustong masanay na may takot sa isipan. Noon lamang Marso 2011 tinatayang higit sa sampung libong katao ang namatay at labis sa tatlong daang milyong dolyar ang naging pinsala ng lindol at tsunami sa malaking bahagi ng Japan. Kung ang malalakas na bagyo sa atin kung dumating ay minsan sa isang taon; ang mga Hapon ay labis na nag-aalala, natu-trauma, balisa at may matinding takot sa tuwing lumilindol. Hindi ba’t may mas mabigat na problemang emosyonal at sikolohikal ang mga Hapon kaysa sa ating mga Pinoy?

Kung klima ang pag-uusapan ‘di hamak na napakaganda ng ating klima kumpara sa ibang bansa na may temperaturang napakalamig (below freezing point) kabilang dito ang mga lugar na Alaska, Greenland, ilang bahagi ng Russia, Canada at Antarctica kung dito ka nakatira malamang na hindi mo na ma-enjoy ang swimming tuwing summer (ang babaw). Sa dami ng mahihirap na Pinoy na nakatira lang sa ilalim ng tulay, kariton, kalsada at iba pang hindi kanais-nais na lugar; hindi nila kakayanin ang napakatinding lamig ng hatinggabi (sa umpisa lang nakakaaya ang napakalamig na klima) at malamang kabi-kabila din ang sakuna dahil sa dulas ng kalsada. Hindi na rin siguro matamis ang ‘yong ngiti kung sa panahon ng tag-init ang temperatura ng iyong bansa ay literal na nakakapaso ng balat (lampas 50C) ang mga bansang Libya, Greenland Ranch (USA), Tunisia, Mali, Israel at Iran ay ito ang nararanasan. Kaya’t higit na mapalad tayo dahil napakaganda ng ating klima sa halos buong taon.

Oo, mahirap ang Pilipinas at maraming pamilya dito ang kinokonsiderang nagugutom. Subalit maraming bansa sa East Africa ngayon ang higit na mahirap kaysa sa’tin at milyon-milyon dito ang literal na gumagapang sa gutom. Tinatayang higit sa labing-isang milyong katao ang walang makain sa mga bansang Ethiopia, Kenya, Uganda at Djibouti at libo-libo dito ang namatay na sa kawalan ng makain at ang bilang na ito ay patuloy na nadadagdagan sa bawat araw dahil ayon sa istatistika nakababahalang tatlo katao kada araw ang namamatay dito sa dahil gutom! Bagamat maraming bansa ang patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga bansang ito sa pamamagitan ng UN(WFP) lubhang hindi pa ito sapat sa nakasisindak na bilang ng tunay na nagugutom. Sa Pilipinas, kung hindi ka maselan at hindi tatamad-tamad ay ‘di ka magugutom dahil ‘di hamak na buhay ang ating ekonomiya at hindi pa naman dumadating sa puntong libo-libo ang literal na namatay dahil sa kawalan ng pagkain. Sa ngayon, may isda pa ang ating dagat, may puno pa ang ating gubat, may mga hayop pa tayong inaalagaan at pinapastol, may tanim pa ang ating bukid, may prutas pa ang ating puno at may biyaya pang ulan na dumarating. Kaya’t kung iisipin mas mapalad pa rin tayo ‘di ba?

May mamamayan sa mga bansang nabanggit sa huling bahagi ng artikulong ito ay hindi prayoridad ang maraming bagay tulad ng paglilibang baka nga hindi pa sila nakakapasok sa sine o hindi pa nakakahawak ng computer o ng simpleng celphone, marami dito ang madalas na pumapalya sa pagkain at walang malinis na tubig na maiinom, marami sa kanila ang walang pakialam kung may kasuotan man sila o wala at marami din dito ang hindi na nakuhang makapag-aral. Samantalang maraming Pinoy naman ang panay ang reklamo dahil luma ang mga gamit, outdated na celphone,  walang pakundangang nagsasayang ng pagkain, nag-iinarte dahil sa suot na mumurahing damit, panay ang mura sa mabagal na internet connection, sinasayang ang pagkakataong makapag-aral at winawaldas ang pera sa walang katuturang bagay (samantalang ang magulang ay nagpapakahirap sa abroad)… Nakakalungkot. Marami nang problema ang mundo ‘wag ka na sanang dumagdag.

Siguro’y makatutulong na huwag muna nating ihambing ang Pilipinas sa mga mauunlad na bansang tulad ng Amerika, Inglatera, Italya at iba pa dahil ‘di hamak na maliit na bansa pa lamang tayo kumpara sa kanila mas makabubuti sigurong isipin na mas angat tayo sa ibang mga bansa at magmula rito ay pagsumikapang abutin ang layuning maging mas maunlad. Hindi ko naman sinasabi na dapat tayong makuntento sa kalagayan at katayuan natin ngayon dahil alam kong mas may iuunlad pa tayo. Upang imbes na tayo ang tulungan ay tayo naman ang tumulong sa mga bansang higit na nangangailangan ng kalinga.

Kung maaari lang sanang itigil muna ang pulitika, kung maisasantabi lang sana ang pagiging ganid at makasarili, kung totoong kapakanan ng bayan lang sana ang nasa isip ng mga namumuno… mas maunlad at progresibong Pilipinas ang sasalubong sa ating bukas.
Bawasan ang reklamo isipin na lang natin mas mapalad pa rin ang ‘Pinas!

Tulad ng pagiging tao hindi natin mapipili ang ating mga magulang at hindi rin natin mapipili ang ating nasyonalidad; hindi ba natin pwedeng ipagpasalamat na pinanganak tayong Pilipino? Hindi Somalian, Kenyan o Ethiopian. Kung mahirap ang maging Pilipino ano na ang tawag sa kanilang kalagayan?