Gay – Bakla, Bayut, Bading-gerzy, etc. ang tawag sa mga lalakeng may pusong babae.

Lesbian – Tomboy, Tiboli, T-bird, butch at kung anu-ano pang tawag sa mga babaeng may pusong lalake.

 

Para sa kanila, umiiral ang mga katagang: Kapwa ko, Mahal ko (dahil sa gender preference nila). Sa panahon natin ngayon halos tanggap na sila ng buong lipunan. Pero marami pa rin na ang turing sa kanila ay mga salot lamang. Mga imoral. At didiretso sa impyerno pagdating ng pagkagunaw. May mga taong kung tignan sila, para silang may nakakahawang sakit! At karapat-dapat pandirihan.

Sa mata ng Diyos at maka-lumang batas, mga makasalanan sila. Kung ang pagbabatayan ay ang siyentipikong pag-aaral, ayon sa teorya ng mga eksperto kaya raw may mga third sex ay dahil nasa isip lamang nila ito. Kailangan ng kalinga ng isang ama o ina na kulang daw sila dito. Sa ibang aspeto, aplikable ang teorya na ito. Subalit paano ang mga bakla’t tomboy na hindi uhaw sa atensyon ng magulang at pamilya? At paano masasabing kaya may mga gaya nila ay dahil hinahangad lang nila na magkaroon ng wala sila? Maipapaliwanag din ba ng mga eksperto kapag mula pagkabata ay ganon na sila? Paano kung hindi naman nila ginugusto ang magmahal o itangi ang kapwa kasarian nila? Paano kung bigla na lang itong dumarating sa kanila nang hindi pinipilit o iniisip? Sa batas ng Diyos masasabi nating bawal talaga ang uri ng mga nararamdaman nila. Subalit sapat na bang pamantayan ito ng ibang mga tao na “matuwid” upang pandirihan at husgahan ang kanilang pagkatao? Kung minsan kasi ang siste sa tao ka nagkakasala, hindi sa itaas. May nakasalamuha akong gaya nila at tinanong kung: “Hindi ba kayo natatakot sa Diyos?” At isa sa kanila ang sumagot ng ganito: “Tanging ang nasa itaas lang ang makakapaghusga ng uri ng buhay namin gaya ng mga normal (nagkakagusto sa opposite sex). Nga naman, sa pagitan na lamang nila yun at ng nasa itaas kung ano ang mangyayari sa kanila.

Ang iba, ayaw nilang nababarkada ang mga anak, apo, pamangkin o kapatid nila sa mga imoral kung tawagin. Pero minsan kaya naisip nila habang nag-iisip ng kung anu-anong masama tungkol sa mga bakla at tomboy na kadalasan ay mas mabuti pa silang impluwensya? Kahit isang minuto lang ba naisip nila na tunay na kaibigan ang mga inaari nilang makasalanan? Hindi ba nila napagtanto na sa kabila ng mga panlilibak nila, ang mga imoral ay tao din na may karapatang mamili ng gusto nila at maging masaya? Ano man at sino man sila? At hindi ba nila naisip na sa bawat halakhak ng mga bakla at bawat pagpapakita ng mga tomboy na lalaking-lalake sila ay ang mga lungkot at samu’t saring pinagdaanang masaklap ang humubog sa pagkatao at nagpatatag sa mga imoral kung ituring gaya nilang mga normal? Hindi natin alam kung ano ang bawat dahilan sa likod ng mga mapag-balat anyong pustura nila. Kaya hindi nating puwedeng sabihin kung tama o mali ba ang mga isinusuot, binibikas, pananalita nila pati ang mga pananaw nila sa mga bagay-bagay.