Malayo na ang narating ng tao sa lahat ng larangan at aspekto. Ang teknolohiya, siyensiya, moda, pelikula, medisina at iba pa ay malayong-malayo na kumpara sa ngayon. Ganundin ang pananampalataya, kaugalian, paniniwala, kasabihan at iba pang lumang nakagawian nang mga tao ay iba na rin sa kasalukuyan. Kung hindi man ito tuluyang nabago ng modernong panahon karamihan naman ay lubusang nag-iba siguro’y nakatakda talaga ito dahil ang tao noon at ngayon ay malaki ang pagkakaiba.

Ano-ano ito?
Halika, liripin natin ang ilang pagkakaiba at pagbabago ng noon at ngayon. Mula sa may kababawan hanggang sa may kalaliman.

Noon. Hindi lahat ng babae ay maganda.
Ngayon. Hindi lahat ng maganda ay babae.

Noon. Ang “virginity” sa kababaihan ay isang malaking isyu.
Ngayon. Pangkaraniwan na lamang sa magkasintahan ang premarital sex.

Noon. Karamihan sa kababaihan ay tipong “Maria Clara”.
Ngayon. Karamihan sa kababaihan ay liberated na.

Noon. Ang tattoo sa katawan ay iniuugnay lamang sa mga preso at ex-convict.
Ngayon. Ang tattoo kahit anong itsura ay itinuturing na form of art.

Noon. Mahigpit na ipinagbabawal ang mga naka-shorts at nakatsinelas sa mga establisimiyento.
Ngayon. Cool nang maituturing kung ikaw’y naka-shorts ng ubod ng igsi at nakatsinelas lamang kahit saan ka man magtungo.

Noon. (Halos)Libre ang inuming tubig at ligtas kahit galing sa gripo.
Ngayon. Debote na ang tubig at mineral ang tawag kahit hindi naman.

Noon. Ang pagmamano, pag-gamit ng po at opo ay pangkaraniwan lang sa kabataan.
Ngayon. Ang pagmamano, pagsasabi ng po at opo ay bihira na lang at tila ‘di komportable ang kabataan sa pag-gamit nito .

Noon. Kuntento at nakangiti na ang masang Pinoy sa matamis na kamote at kapeng barako.
Ngayon. French Fries at kape sa Starbucks ang paborito nang naghihirap daw na Pinoy.

Noon. Ang singko, mamera lalo’t ang piso ay malaki ang halaga at marami ang mabibili.
Ngayon. Halos wala ng halaga ang sampung pisong nasa bulsa mo.

Noon. Tuwing Huwebes ay may mga bagong pinapalabas na pelikulang Pilipino.
Ngayon. Tuwing ikalawang buwan na lang halos magpalabas ng pelikulang Pinoy.

Noon. May sense ang karamihan sa mga mga programa sa telebisyon, kanta at pelikula.
Ngayon. Kahit walang kwentang kanta ay bumebenta, kahit paulit-ulit na teleserye ay mataas ang rating at kahit na walang kwenta ang istorya ay pwede ng pelikula.

Noon. Malaki ang respeto ng mga anak sa kanilang mga magulang na isang sutsot pa lang ay agad na tumatalima ang anak.
Ngayon. Halos wala ng galang ang mga anak sa magulang. Kahit lawit na ang dila ng magulang sa kakasaway ay hindi pa rin sumusunod ang anak.

Noon. Halos isang tao lang ang kinasusulakman at kinaiinisan ng mga Pinoy sa pulitika.
Ngayon. Halos lahat ng pulitiko ay kinaiiritahan at kinaiinisan ng mga Pinoy.

Noon. Malaki ang pag-galang ng mga tao sa mga Pulis at Militar.
Ngayon. Itinuturing na ng maraming Pinoy na notoryus ang Pulis at militar at tipong ‘di ka ligtas sa kanila dahil sa iba’t-ibang kontrobersiyang kanilang kinasasangkutan.

Noon. Isang sagrado at pinahahalagahan ng husto ang privacy ng mga tao.
Ngayon. Halos lahat na ng mga tao ay isinisigaw at isinahihimpapawid pa ang bawat kilos, galaw at lugar na pupuntahan sa pamamagitan ng facebook, twitter, blog at online journal.

Noon. Itinuturing na luho ang pagkain ng mansanas at iba pang angkat na prutas dahil sa kamahalan ng halaga nito.
Ngayon. Bagamat hindi na luho at mahal ang halaga ng mansanas marami pa rin naman ang hindi makakain nito dahil sa kawalan ng pera.

Noon. Library, Recto at hard to find encyclopaedia ang sources ng research at term papers.
Ngayon. Google, Wikipedia at iba pang search engine sa Internet ang katapat ng anumang impormasyon kailangan mong malaman.

Noon. Napakamahal at aabuting ng mahabang panahon bago ka magka-telepono. Simbolo rin ito noon ng karangyaan.
Ngayon. Minuto lang ang iyong kailangan para ikaw’y magkatelepono at ito ay sa murang halaga.
Noon. Pilit na ikinukubli nang kalalakihan ang kanilang pagkabading.
Ngayon. As early as 10 years old ay lantarang ipinapakita na ang kabadingan.

Noon. Proud ang bawat Pilipino sa likas at taglay na kulay kayumanggi.
Ngayon. Marami sa mga Pilipino ay nais pumuti kaya malakas ang benta ng Glutathione kahit ito’y mahal.

Noon. Halos bawat kanto ay may pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.
Ngayon. Halos wala ka nang nakikita o naririnig na pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.

Noon. Napakahalaga ng buhay at isusugal at isasakripisyon ng ina ang mismong sarili niyang buhay para lamang sa anak.
Ngayon. Walang pakundangan at walang respeto sa buhay ang marami sanang ina dahil ayon sa pag-aaral higit sa kalahating milyong sanggol ang intensyonal na pinalalaglag taon-taon.

Noon. Ang anumang uri ng panlalait sa kapwa ay itinuturing na masamang gawain.
Ngayon. Ang panlalait ay isa na lang pangkaraniwang ugali ng marami at marami-rami na rin na pinagkakakitaan ang gawaing ito.

Noon. Banal at Sagrado ang pag-gunita ng mga Pilipino sa Semana Santa. Walang radyo, walang telebisyon at walang maingay.
Ngayon. Marami ang sinasamantala ang panahong ito para magliwaliw at magbakasyon sa iba’t-ibang beaches at pool, may mga bukas na bar, sinehan at iba pa maging sa araw ng Biyernes Santo lalo na ang Sabado de Gloria.

Noon. Hinahangaan tayo ng bansang South Korea dahil sa ganda ng ating ekonomiya.
Ngayon. Pilipinas na ang humahanga sa bansang South Korea sa ganda ng kanilang ekonomiya.

Noon. Muntik ng maging mayaman ang bansang Pilipinas.
Ngayon. Ang Pilipinas ay kabilang na sa pinakamahihirap na bansa sa mundo. :-(

Hindi na nga maikakaila na napakalaki na nang pagbabago’t pagkakaiba ng noon at ngayon. At sa darating pang mga panahon ay marami pa ang magaganap na pagbabago. Kung kailangan nating sumabay sa pagbabago at agos ng panahon ay hindi ko alam dahil maraming pagbabago ang hindi angkop sa nais nating mangyari datapwat tutol man tayo dito ay wala tayong magawa. Madalas kung ano pa ang ayaw mong magbago ‘yun pa ang may malaking pagbabago. Sabi nga eh, walang permanenteng bagay dito sa mundo kundi ang pagbabago (bukod siyempre sa buwis).