Bansa ng mga Domestic Helper, Bansa ng Korupsyon, Bansa ng mga pulis na walang sapat na training. Ilang beses at ilang bansag na ba ang tinawag sa ating bansa? Na sa tuwing pinupuri ang ating bansa ay pumapalakpak ang ating tenga, Kesyo bansa ng mga talentadong indibidwal, kapag masama ang turing ay ating agad binabatikos, ngunit tunay lang ba ang kanilang sinasabi?

Bansa ng mga Domestic helper, ilan ba sa atin ang nagtaas ng kilay noong ilagay sa isang diksyonaryo na ang kahulugan ng pilipino ay pagiging isang domestic helper? Kung ikaw ay isang Pilipino, may nakikita ka bang masama? Ilang bansa na ba ang pumuri sa ating pagiging masipag, na kapag ang lahat ng Pilipino ay nagdesisyong huminto ng isang araw sa trabaho, ay malaki ang magiging epekto nito, sino na nga lang naman ang maghahatid ng langis, ilang titser at nars na ba ang nasa ibang bansa, ilang primera klaseng inhinyero na ba ang nagtatrabaho sa mga kumpanya sa ibayong dagat, ilan na nga ba ang naiwan dito sa atin, meron pa ba? Sana naman.

Kailan pa ba naging pangunahing pinagkukunan ng kita ng gobyerno ang pagtatrabaho sa ibang bansa, kailan pa ba nawalan dito ng trabaho, kailan pa ba nawalan ng pag-asa ang ilan sa Pilipinas at kailangan nilang ilagay ang pag-asang iyon sa kamay ng ibang bansa, Ganoon na ba tayo ka-miserable?

Gaano katagal na ba tayong tumatango na lamang sa lahat ng nangyayari, magagalit kapag ayaw, ngunit may ginawa na ba tayong hakbang? Rally dito, Rally doon kapag may nakitang mali, pero may gumawa ba ng legal na paraan? Ilang beses na ba nating narinig sa ating kababayan na “Simpleng mamayan lamang kami, anong magagawa namin?” Gusto ko sana silang sagutin ng “Ano nga ba ang ginagawa natin?” Ilang tao ba ang tinitignan ang gobyerno natin bilang isang “charity institution”, ilang tao ba ang inaasa ang pag-unlad nila sa magagawa ng gobyerno para sa kanila, ilang tao ba ang naghihintay sa darating na awa at grasya?

Gaano kakapal na ba ang mukha ng ilan sa atin, gaano kadalas ko na bang narinig ang katagang “Pilipino kasi” gayong isa rin naman siyang Pilipino, maka-ilang beses ko na bang nakitang inaalipusta ng isang Pilipino ang kapwa niya Pilipino, na dahil sa tingin niya ay mas nakatataas siya rito. Ngunit sino ba talaga ang mas nakatataas, meron ba? Wala naman talaga.

Sino ba ang dapat sisihin sa ating kalagayan ngayon? Sino ba ang may kasalanan? Meron ba? O dapat pa bang magsisihan? Gaano katagal na bang nagsisihan? Bakit hindi na lamang gumawa at ng maayos ang problema? Bakit kailangan pa si Mike Enriquez ang kamera at mikropono bago kumilos, bakit ba hindi mawala sa uso si Noli de Castro?

Noon pa kasi iyan, Kasi si Presidente ano, kagagawan yan ni kuwan, nangurakot kasi ito, ang iba naman kasi, Pilipino nga naman, nasabi mo na ba ito kahit minsan, meron ka naman bang ginawa?

Bakit hindi ka maniwala sa sarili mo, Pilipino tayo, magagaling tayo, hindi natin kailangang tumawag sa “customer service” para itanong kung paano bubuksan ang telebisyon, hindi natin kailangang umasa sa trabaho ng ibang banyaga dahil mas pulido ang trabaho natin, dapat lang nating iayos. Gawin natin, kaya natin.

Para sa akin ang tunay na Pilipino ay taas noong sasabihin na Pilipino siya kahit na nagkakabarilan pa sa Maynila, kahit pa may mga kurakot na opisyal ng gobyerno, kahit pa luma ang bawat gusali rito, kahit namamatay ang ilang bata ng dahil sa gutom o kahit pa si Mang Tasyong magtataho noong bata pa ako ay magtataho pa rin ngayong kolehiyo na ako. Ang mahalaga may ginagawa kaming solusyon sa tuwing may ayaw kaming maririnig. Sabihin na ng iba ang dapat nilang sabihin, basta ba ang mga Pilipino ay tunay na Pilipino.