Noong bata pa ako, marahil maging kayo’y naranasan nating gumawa ng isang eroplanong papel.

Noong ako’y musmos palang mahilig akong tumingin sa langit pag nakakarinig ako ng tunog na dumadagungdong sa kalangitan – Ang eroplano. Mula noon naging gawi ko na maging aking mga pinsan na kapag bakasyon pupunta kami sa isang bakanteng lote na di naman kalayuan sa aming mga tahanan, nag ba-baon kami ng mga papel na may sulat na sa likod o yung tinatawag na “scratch paper” tinutupi-tupi ito pa-loob, pa-labas, babawasan ng kaunti at ayun! buo na ang paborito naming laruan…Ang eroplanong papel!

Nag sisimula kaming mag laro nun ng mga 10:00 ng umaga, dahil yun ang mga oras na umaalis ang mga nanay namin upang mamili ng ulam para sa tanghalian minsa’y nahuli ako ng uwi noon, inabot ako nga 2:00 ng hapon sa bakanteng lote, ni hindi ko naramdaman ang gutom, uhaw, maging ang oras nun. Nagulat ako ng bumalik ang pinsan ko sa bakanteng lote, humihingal papalit sa akin nagulat ako ng bigla siyang sabihing “Aye! lagot ka sa mama mo!….” hindi ko na tinapos ang susunod na sasabihin niya sakin dahil alam ko mas lalo akong matatakot. Kaya naman hala sige takbo ako papunta sa amin ng bigla kong makita si mama na naka-abang sa akin, nakita ko ang tingin niya sa akin nun, parang galit na galit talaga, pero nagulat ako sa pinakita ni mama sakin nun, niyakap niya ko…pinusan ang mga pawis ko, at sinabing “Halika ka na ‘wag ka matakot di kita papaluin.”

Mula noo’y nangako ako kay mama na hinding-hindi na ko aabutin ng hapon sa kakalaro ng eroplanong papel. Ngayon ay labingpitong taon gulang na ako pero hanggang ngayo’y nais ko pa ding maranasan at bumalik sa aking pagkabata walang iniisip na kung anu-ano. Kasi nung bata ako  aliw na aliw talaga kong makitang lumilipad ang eroplanong papel na aking ginawa, ngayon nabakas ko ang malaking epekto ng paglalaro ng eroplanong papel, ang eroplanong papel para sa akin ay sumasagisag sa isang pangarap na minsan ay aking tiningala at pinagmasdan na kung paano ito tumaas…bumaba…liparin ng hangin hanggang makamit ko ang aking munting pangarap!

Orihinal na ginawa ni: Ariel “aye” Casalhay