Tuwing may isang kaibigan na humihingi sa akin ng payo tungkol sa pag-ibig, nag-a-ala Doctor Love ako palagi. Kunyari alam na alam ko na ang pasikot-sikot ng pag-ibig. Nagpe-pretend na kung sakali mang ako ang nasa katayuan niya ay ganoon nga ang gagawin ko. Nagpapanggap na matatag akong nilalang na hindi nagagapi ng isang “love problem” lang. Madalas ko naman silang napapaniwala sa mga advices ko na kinukuha ko lang naman sa mga librong nababasa ko. Swabe!

Sa isang punto lang naman bumabagsak ang mga ipinapayo ko sa kanila. Lagi kong sinasabi, “You have to learn how to protect yourself from pain.” Ako kasi yung tipo nang taong kapag nararamdaman ko nang masasaktan lang ako sa sitwasyong ito, automatic na nagkakaroon ng wall ang mundo ng aking realidad at ang mundo ng aking mga pantasya. Sa gayong paraan, maaagapan ko ang isang kalamidad na maaaring dumating. Ika nga, prevention is better than cure.

Halimbawa na lang. Sa isang sitwasyong may nakilala akong isang tao. Syempre sa umpisa ay pakikiramdaman ko muna kung may spark. Pag meron ay maaari ko itong ituloy-tuloy sa isang magandang pakikisama. Kapag nahulog na kasi ang loob ko sa isang tao, may tendency akong maging possessive at seloso – in a cute way naman. Hindi ko pinapakita o ipinahahalata. At wala din akong pinagsasabihan. In short, kinikimkim ko ang sama ng loob ko. In the same manner, sobra din akong magbigay ng pagmamahal. Hindi ako nagtitira para sa sarili ko. Kaya naman ang gusto ko eh patas lang din ang ibibigay sa akin. Kahit hindi sobra basta patas, totoo at walang pagaalinlangan. Sakto ba. Kaya kapag nakaramdam ako ng kahit konting sabit lang sa isang tao at sa bandang huli ay alam kong masasaktan lang ako, automatic na nag-a-adjust ang aking sistema para maiwasan ko ang maipit sa isang sitwasyong hindi ko gusto.

Ang mga posibleng depensa na maaari kong gawin ay ang mga sumusunod.

1. Lumayo.

2. Magpakalayo-layo.

3. When worst comes to worst, maglahong bigla.

Mabisa itong paraan para maprotektahan ko ang sarili ko sa isang posibleng kalamidad ng puso bago pa man ito mangyari. Wala akong pakialam kung masaktan din siya basta ang dapat kong unahin ay ang sarili kong kaligayahan. Kung lalayo ako, mas madali akong makakalimot. Mas mabilis ang pag-usad ng bawat bukas kung sa tuwing gigising ako ay wala ang mga bagay na nakapagpaalala sa akin sa kanya. Hindi magtatagal, makaka-recover ako. Mawawala ang lahat ng takot.

Saka ako magbabalik.

Alam kong sa isang banda ay madamot ako. Hindi maganda ang ugaling ito. Sa isang sulok din naman kasi ng aking puso naniniwala pa rin ako na kung magmamahal ka, magmahal ka lang ng walang kondisyon, walang bounderies, walang restrictions. Pero madamot na kung sa madamot. Basta ayoko ng nasasaktan ako, sino ba ang may gusto? Hangga’t maaari at hanggang kaya ko, iiwasan ko ang parteng ito sa buhay ko. Siguro resulta na rin ito ng mga nakaraan kong karanasan sa lintik na pag-ibig na yan. Let’s just say I’ve learned my lessons and I’m not gonna fall for the same mistake again.

Kaya heto ako ngayon — single.