(ARAW) ARAW NG MGA INA

 

Ina… may pagkakataong tinatawag na mommy, mama, mamu, nana, inay, nanay- depende sa antas o kinamulatan sa buhay. Pero kahit pa sa anong katawagan, siya ang handog ng Diyos, upang sa kanyang sinapupunan, tayo’y siyam na buwan na nanahan. Di biro ang tinitiis niya, mula sa paglilihi, sa pag-iingat habang nagdadalang-tao hanggang sa mailuwal ang sanggol.

Ina… sa unang pagkarinig niya ng uha ng kanyang bagong silang na sanggol ay malimit na makikita ang pagpatak ng luha, Luha hindi dahil sa hirap, bagkus ay luha ng kagalakan. Oo, kagalakan dahil iyon ang kaganapan ng kanyang pagkababae at dahil maluwalhati nya tayong nailuwal… kasi mahal niya tayo… ikaw at ako!

Ina… sa init ng kanyang pagmamahal, sa kanyang pagsayaw habang pinatutulog ka niya, ang pagtuturo niya ng abakada, pagsusulat ng numero at letra ay ilan lang sa ating ala-ala ng kamusmusan kasama siya. At sa ating paglaki, nandyan siyang kasama ni tatay na  laging nakagabay, minsan nga lang ay medyo masungit at makulit, pero ang totoo gusto lang nila na tayo ay mapanuto. Tinitiis nga niya ang lahat, maibigay lang ang ating mga pangangailangan.

Mapalad nga ang mga anak na magpahanggang ngayon ay kapiling pa ang kanilang ina. Ang ilan sa mga ina ay napipilitang mangibang bayan sa layuning matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya at ang maipaghanda sila ng maayos na kinabukasan. Di madali para sa isang ina ang malayo sa kanyang mga anak, lalo na kung sa mga panahong sila ay nasa kanilang kamusmusan. Ang iba nga sa kanila naninilbihan sa mga banyaga at nag-aalaga pa ng mga anak ng mga ito kapalit ng dollar o euro, makapagpadala lamang ng pera sa mga naiwang anak sa Pilipinas. Ang kalungkutan at ang lahat ay kayang labanan ng isang ina para sa kanyang mga anak. Napakadakila talaga ng pag-ibig ni nanay!

Ang kadakilaan ng pag-ibig ng isang ina marahil ang nagbunsod kina Julia Ward Howe (noong 1872) at Anna Jarvis ng Grafon, West Virginia (noong 1907) na imungkahi ang pagpupugay sa mga ina na unang ginawa sa Philadelphia, Pa noong 1907. Pinangunahan ni Anna Jarvis ang kampanya na magkaroon ng isang Pambansang Araw ng mga Ina nang kanyang pangunahan ang kanilang simbahan, ang St.  Methodist Episcopal Church sa Grafon, WV na gawin ang naturang pagkilala sa anibersayo ng kamatayan ng kanyang ina (Ann Jarvis), kung saan isang misa ang ginanap noong May 10, 1908 at sa Philadelphia na nga noong sumunod na taon kung saan lumipat si Anna Jarvis.

Ang nabanggit na simbahan na pinagdausan ng unang pagdakila sa mga ina kung saan namahagi ng 500 puting bulaklak (carnation) si Anna Jarvis ay kinikilala bilang Dambana ng Araw ng mga Ina. Mula doon ay lumaganap ang naturang aktibidad sa 46 na estado ng Amerika, na noong taong 1912 ay idiniklara itong pista opisyal ng ilang estaso. Dalawang uri ng carnation ang ginagamit sa araw na iyon, ang de-kulay (kalimitang pula) kung buhay pa ang ina at kulay puti kung ulila na. (Naalaala ko tuloy ang kwento ng nanay ko tungkol sa pagselebra ng Mother’s Day noong napasok pa siya noong dekada 30. Araw iyon na talagang may programa sa eskwelahan patungkol sa mga ina. At may bulaklak din sa damit, de kulay din kung buhay pa ang ina at puti na kalimitang rosal kung ulila na. Habang masaya ang mga batang kapiling ang kanilang ina ay mayroon din batang puti ang bulaklak na nagwiwika ng “Mabuti ka pa at may nanay pa, mahirap ang walang ina…” sa kanyang kaibigan na may de-kulay na bulaklak.)

Sa tulong ng ilan ay nagpatuloy ang kampanya na umabot sa ibat-ibang sangay at antas ng lipunan at nagtagumpay sila sa kanilang dakilang adhikain dahil noong Mayo 8, 1914, ang Kongreso ng EU ay nagpasa ng batas na nagtatakda na ang ikalawang Linggo ng Mayo ay Araw ng Mga Ina. Nang sumunod na araw, Mayo 9, 1914, ay ipinroklama ni Pangulong Woodrow Wilson ang ikalawang Linggo ng Mayo bawat taon bilang Pambansang Araw ng mga Ina sa Estados Unidos!

Kasabay ang Pilipinas ng EU sa tanging araw na ito, gaya din ng Anguilla, Aruba, Australia. Austria, Bahamas, Banglades, Barbados, Belgium, Belize, Bermuda, Bonaire, Brazil, Brunei, Bulgaria, Canada, Chile, China, Colombia, Croatia, Cuba, Curacao, Cyprus, Czech Republic, Denmark, Ecuador, Estonia, Finland, Germany, Ghana, Greece, Grenada, Honduras, Hongkong, Iceland, India, Italy, Jamaica, Japan, Latvia, Malta, Malaysia, Myanmar, The Netherlands, New Zealand, Nigeria, Pakistan, Peru, Puerto Rico, Singapore, Slovakia, South Africa, St. Lucia, Saint Vincent and the Grenadines, Suriname, Switzerland, Taiwan, Trinidad and Tobago, Turkey, Ukraine, Uruguay, Venezuela at Zimbabwe.

Sa ibang panig mg mundo ay may ibang araw silang itinakda upang gunitain ang kadakilaan ng ina. Sa Norway ay tuwing ikalawang Linggo ng Pebrero. Sa Israel ay tuwing Shevat 30 (na pumapatak sa pag-itan ng Enero 30-Marso 1). Sa Georgia ay tuwing ika_3 ng Marso. Sa mga bansang Afghanistan, Armenia, Azerbaijan, Bosnia and Herzegovina, Laos, Montenegro at Serbia ay tuwing ika-8 ng Marso, kasabay ang Albania, Bulgaria, Guyana, Macedonia, Mongolia at Russia na tinatawag itong International Women’s Day. Ang Mothering Sunday ng Ireland, Nigeria at United Kingdom ay tuwing Fourth Sunday of Lent. Sa Bahrain, Egypt, Iraq, Jordan, Kuwait, Oman, Lebanon, Palestine, Qatar, Saudi Arabia, Sudan, Syria, United Arab Emirates at Yemen ay tuwing March 21 (Vernal Equinox). Sa Slovenia ay March 25. Sa Armenia ay April 7. Sa  Nepal ay Baisakh (Mata Tirtha Aunsi- Abril/Mayo). Tuwing unang Linggo sa Hungary, Lithuania, Portugal at Spain. Mayo 8 na tinatawag na Araw ng mga Magulang sa Albania at South Korea. Mayo 10 sa El Salvador at Guatemala at Mexico. May 26 sa Poland. May 27 sa Bolivia. Huling Linggo ng Mayo sa Algeria, Dominican Republic, Haiti, Mauritius, Morocco, Sweden at Tunisia, gayundin ang France na kung sa pagkakataon na pumatak ang araw na ito sa Pentecost Sunday ay ipinagdiriwang ng mga Pranses sa unang Linggo ng Hunyo. Sa Nicaragua a Mayo 30. Sa unang araw ng Hunyo sa Mongolia. Sa Luxemburg ay tuwing ikalawang Linggo ng Hunyo. Sa huling Linggo ng Hunyo sa Kenya. Sa Thailand ay Agosto 12, kasabay ng kapanganakan ni Queen Sirikit Kitiyakara. Sa Antwerp (Belgium) at Costa Rica ay Agosto 15 (Kapistahan ng Pag-agkat ng Birheng Maria sa Langit, na Kapistahan din ng ating bayang Maragondon). Ikalawang Lunes ng Oktubre sa Malawi. Oktubre 14 sa Belarus. Ikatatlong Linggo ng Oktubre sa Argentina. Huling Linggo ng Nobyembre sa Russia. Ika-8 ng Disyembre (Kapistahan ng Immaculada Conception) sa Panama. Disyembre 22 sa Indonesia.

Marahil kaya walang tanging isang araw na itinakda upang pandaigdigang dakilain ang ating mga ina ay dapat lamang na sa bawat araw ng ating buhay ay ilaan natin at huwag makalimot kay nanay. Di naman kailangang maging magastos dahil ang simpleng mga bagay ay sapat na para sa kanya upang maipadama natin ang ating pasasalamat at pagmamahal. Teka, kailan mo ba siya huling nayakap at nasabing “Love you, Nanay!” o nilambing mo siya kahit wala kang hihingin? Mapalad ka nga kung matapos mong mabasa ito ay pwede mo pa siyang mayakap at mahagkan pag-uwi mo. O ang pasyalan siya at dalhan mo nga paborito niyang pagkain, maari din na sa pagbisita mo ay lambingin mo siya at sabihing “Nay, miss ko po na ang adobo mo!”. O kung kaya pa nga budget mo ay ang ipasyal mo siya sa SM, at i-treat siya sa Jollibee o Mc Do? Para makapag-bonding kayo. Kung nasa malayong pook naman siya, kailan mo siya tinawagan o na-text para sabihing “Luv u mom, miss u. Mwaahhh!”. At ipagpasalamat mo sa Diyos na kapiling mo pa siya hanggang ngayon dahil kahit medyo di na tayo mga musmos, di maipagkakailang iba pa din kapag nandyan si Nanay!

Maging ang Bibliya ay nagpapahayag ng ganito: Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios (Exodo 20:12) at Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios: upang ang iyong mga araw ay lumawig at upang ikabuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios (Deut 5:16).

At sa mga mambabasa na maagang iniwan ng kanilang mga ina, maging ito ay paglisang panandalian o dahil sa tinawag na siya ng Maykapal, alalahanin natin at ipagpasalamat ang mga araw na nakapiling natin si Nanay, ang kanyang yakap at ang haplos ng kanyang pagmamahal, ang kanyang mga aral at prinsipyo, ang masarap na mga luto niya, na bahagi siya at alay natin sa kanya ang anumang tagumpay na ating naabot… Sana nga lang kung maaari ay lagi na lang tayong musmos na kapiling si Nanay…

Sa aking pagtatapos ay iiwan ko ang linya ng obra ng Pambansang Alagad ng Sining na si Lucio San Pedro, na nilapatan ng tunog ni Levi Celerio, ang imortal na Ugoy ng Duyan:

Sana’y di magmaliw ang dati kong araw

Nang munti pang bata sa piling ni Nanay

Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal

Awit ng pag-ibig habang ako’y nasa duyan

Sa aking pagtulog na labis ng himbing

Ang tanglaw ko’y tala, ang tanod ko’y bituin

Sa piling ni Nanay, langit ang buhay

Puso kong may dusa, sabik sa ugoy ng duyan

Nais kong matulog sa dating duyan ko, Inay

Oh! Inay

Maraming salamat po at saludo po kaming lahat sa inyo, Inay!

-o0o-