May iniyakan akong laruan noong bata pa ako at hindi ko iyon makakalimutan. Ewan ko lang kung bakit napag-tripan ko ang asul na truck na nakita ko ng minsang nagpunta kami sa Antipolo kasama ang dalawa kong ina, si Mommy at si Nanay.

Kung laruan ang pag-uusapan, hindi ako nagkaroon ng interes sa mga materyal na laruan kagaya ng baril-barilan, mga kotseng de-remote o kahit ano pa. O sige, sabihin na nating naglalaro ako ng paper dolls e ano naman ngayon? Kasabay nito ang mga laruan kong inimbento, nadiskubre at laruang bukod tanging ako lang ang puwedeng maglaro.

Iba rin ang kasiyahang dala ng mga paglalaro sa kalsada o mga bakuran. Mas madalas ang mga larong aral-aralan na si Ate Osette ang teacher at kaklase ko sina Wena (mas kilalang Inday) at Charie. Alam nyo bang napag-tripan din naming magpipinsan ang That’s Entertainment? Kumpleto ang cast. Si Ate Osette si Cristina Paner na feel kapartner si Cris Villanueva. Si Wena si Manilyn Reynes katambal si Aljon Jimenez. Si Chary bilang si Sheryl Cruz na palipat-lipat ng ka-love team at sa sobrang dami ay hindi ko na natandaan kung sino ang nakatambal nito basta alam ko naging kapareha niya si Romnick Sarmenta. O sige sa kanya na si Romnick kahit sa bandang huli naman ay si Harlene Bautista ang napangasawa. Kasi noong kapanahunan ko, ako si Harlene at si Michael Locsin ang kapartner ko. Kabog! Hahaha!

Paborito rin ang walang kamatayang taguan, ang langit-lupa-impiyerno na hirap na hirap akong mag-aakyat sa mga may kataasang lugar na madalas na nilalaro namin sa terrace nila Inang. Nalaro ko rin ang tinikling sa goma, ang Chinese garter na ang kaya ko lang talunin ay hanggang bewang. Hindi ako sanay mag-bending ever at mababalian ako ng buto. Lahat ng may kinalaman sa paggalaw ng katawan ay hirap talaga akong manalo o umabot man lang sa pinakamataas na level. May diperensya kasi ang paa ko. Pero ang version namin ng football gamit ang plastic na bola at magkaharap na homebase ay nalalaro ko naman ng maayos at hindi ako natataya. Mahusay din ako sa piko. Naalala ko na mahilig akong gumawa ng sarili kong hugis na lulundagin not the usual hugis babaeng may palda. Masaya din ang tumbang preso gamit ang lata ng Alaska condensed milk at mga tsinelas na upod na. Takot akong mag moro-moro, baka masugatan ako at hirap akong magtatakbo at magpalagit. Madalas akong matalo sa harangang-taga.

Kung hahamunin ninyo ako sa jackstone, okay fine. May mga inimbento rin akong sariling mga exhibition. May tinatawag pa nga tayong kuweba, pasok sa banga, ferris wheel, running man, gagamba, basket, at kung anu-ano pang halos magkakamukha naman. Chopstick o pick-up stick? Domino, lucky nine, unggoy-ungguyan, pekwa, pitik- bulag, scrabble, snakes and ladder, monopoly, sungka, bingo!

Ang saya ng mga nilaro ko. Lahat may social interaction. Minsang mapaaway ka, makipagtalo o masugatan. Pero carry lang ang lahat dahil nag-enjoy naman ako! Kaya nga ang tuhod ko ay puro peklat dahil mas madalas akong madapa kaysa hindi.

Ano pa ang hihilingin ko kung sagana naman ako sa mga kalaro? Hindi ko kailangan ng mamahaling robot na ipagdadamot ko lang o game and watch (hindi ako nagkaroon) na ako lang naman ang makakagamit. Nakakalaro ako ng atari yung may joy stick kapag nakapagbakasyon ako sa Olongapo. Bongga ang koleksiyon ni Ate Leng ng Barbie at nilalalaro namin na parang mga Ms. Universe. Isa lang ang Ken niya kaya kawawa yung ibang gerlalu, walang ka-partner!

Bata pa lang kami ay naglalaro na kami nila Nanay ng scrabble na pagka minsa’y kasama si Ate Judith. O di ba pampahasa ng English vocabulary at talaga namang si Nanay ay hindi paawat. Palaging panalo. Kapag baraha naman ang pinag-usapan hindi patatalo ang Tatay kong nagsusugal. Inuumaga pa nga. Kaloka. Pero siya ang nagturo ng 41 at ng lumaon ay sanay na akong mag-tong hits na si Mommy naman ay talagang ginagabi pa sa kapit-bahayan.

Dahil sa laro, ang dami kong naikuwento. Halos ang buhay pala natin ay naglalaro lang sa paglalaro. Puro laro, libangan at talaga namang nakakapagpasaya ng bonggang bongga. Walang ibang klaseng karanasang hindi ko alam kung mararanasan pa ng ilang kabataang natutok na sa mundo ng Cyber Technology.

Sa may mga anak na, hayaan ninyong maranasan nila ang larong may social interaction. Ang laro kung minsan ay hindi lang dapat ginagamitan ng puro pag-iisip lang. Dapat sinasamahan ng kilos at galaw. Hayaan ninyong makasalamuha nila ang ilang bata at iparamdam sa kanilang ang buhay ay hindi iikot lang sa sariling mundo, kailangan din ng ibang makakasama nito na maghahasa sa kanya kung paano magpakatao. Sa totoo lang, iba ang buhay na kinalabasan ng batang hinayaang maglaro sa labasan kaysa batang hindi hinayaan ng magulang na makasalamuha ang ilan. Ang dami kong kilala…