Hunyo 19.
Kaarawan ng ating idolo: Dr. Jose Rizal. Si Rizal na makata, manunulat, alagad ng sining, mangingibig, doktor, makabayan.

Si Gat Jose Rizal na ating pambansang bayani; isang taong eksepyonal sa lahat ng larangang kanyang ginusto at inibig. Henyong maituturing kumpara sa ordinaryong taong tulad natin. Sa edad niyang tatlumpu’t-apat nang siya’y pumanaw ay hindi matatapos ang istorya ng kanyang buhay sa sobrang kulay nito. At ngayong ika-isandaan at limampung taon ng kanyang kapanganakan hindi maaaring hindi ito gunitain ng makabayang Pilipino at ng ating kasalukuyang pamahalaan.
Gugunitain ang kanyang pagiging ehemplo sa kabataan, ang pagkamartir, ang kanyang mga gawa, ang kanyang mga reporma, ideolohiya at ang kanyang kabayanihan.
Marami siyang pangaral na iniwan sa’tin at isa lamang sa daan-daang pangaral na ito ay ang malalim na: “Ang kabataan ang pag-asa ng Bayan”.

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ito’y katotohanan walang duda. Dahil ang kabataan ang masusing nagmamatyag sa gawi ng nakatatanda, sila ang nagmamasid sa bawat kilos nang mas may gulang. Subalit, hindi ba may kasabihang: “Anumang ginagawa ng mga nakatatanda ay nagiging tama sa paningin ng mga bata”.

Ano ba ang nakikita nating ginagawa ng nakatatanda sa atin?
Ano ba ang ginagawa ng mga may edad na nasa pwesto at tungkulin?
Kabi-kabila ang lantarang lumalabag sa batas, mahirap man o mayaman.
Nakakalungkot malaman na ang kabataang may magandang hangarin sa bayan ay lalamunin ng sistema.

Nasaan na ba ang kabataang binabanggit ni Gat Rizal? Nasaan na ba ang pag-asang kanyang hinahanap sa katauhan ng mga kabataang ito? Pansin mo ba ang pagbabago ng kabataan ngayon? Bakit marami sa kanila ngayon na ang sarili mismo nila ay hindi nila mahagilap? Hindi ba dapat sila ay higit na maasahan dahil sa madaliang solusyon sa bawat katanungan hatid ng bagong teknolohiya?

Masdan mo ang mga bata. Ang aral sa kanila makukuha.
Masdan mo ang kabataan.
Marami ang sa kanila’y pakalat-kalat sa mall at sa arcade kahit na ang dapat ay nasa loob sila ng klase at nag-aaral.
Marami ang sa kanila’y nasa bilyaran kahit na ang dapat ay nagsusulat ng kanilang aralin hawak ang pluma sa halip na tako.
Marami ang sa kanila’y nasa loob ng internet cafe o computer shop minamaster ang kung anu-anong video games sa halip na ang kanilang asignatura habang ang kanilang magulang halos dugo na ang ipawis sa paghahanap-buhay.

Masdan mo ang mga bata. Ang sagot ay ‘yong makikita.
Masdan mo ang kabataan.
Makikita mo sa kanila na ang buhay ay simple lang; may okasyon man o wala ay wala silang sawa sa inuman.
Makikita mo sa kanila ang tunay na “pagrespeto” sa matatanda; wala silang pakialam at gagawin pa rin ang gusto kahit na halos umiyak na ang magulang sa pagsaway sa kanilang maling gawi. At kahit na ang simpleng pag-utos ng ina ay hindi alintana.
Makikita mo sa kanila ang pagpapahalaga sa tinatawag na “pag-ibig”; lantaran nila itong ipinapahayag sa murang edad at pagkuwa’y isinisisi sa gobyerno ang kahirapang naging dulot nang kapusukan.

Masdan mo ang mga bata. Ang buhay ay hawak nila.
Masdan mo ang kabataan.
Marami sa kanila ang hinahayaang malubog ang sarili sa iba’t-ibang mga bisyo; hindi pa tapos ng kolehiyo pero napakahusay na humithit ng yosi.
Marami sa kanila ang hinahayaan ang sarili na magayuma at malason ang isip ng teknolohiya sa halip na ibaling ang sarili sa mas makabuluhang mga bagay.
Marami sa kanila ang maagang napapasok sa sindikato at napapariwara ang kapalaran; mga kabataang hanap ay basag-ulo at walang pakialam sa mga taong kanilang naagrabyado.

Sa hirap ng buhay, ang ibang mga kabataang may pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral ay nahihinto, ayaw man nila itong gawin. Maagang sumasabak sa hamon ng buhay, naghahanap ng trabaho, nagbabanat ng buto. Trabahong maituturing na hindi naman sasapat sa lahat ng pangangailangan.
Hindi ba nakakagagong isipin na kung sino pa ang kabataang may kapasidad na pag-aralin ng magulang ay sila pa ang madalas na magloko at walang interes na mag-aral! At ang mga kabataang gustong makapagtapos ng pag-aaral ay sila naman ang hindi nabibigyan ng magandang pagkakataon makatuntong ng kolehiyo!

Kaya’t ipagbunyi natin ang mga kabataang hindi (pa) nagpapalason sa kinang ng kapangyarihan at hindi nalulunod sa komersyalismong hatid ng makabagong teknolohiya. Mga kabataang hindi nababahag ang buntot na labanan ang masamang epekto ng bisyo at droga, mga kabataang nagsusumikap makapagtapos ng pag-aaral sa kabila nang kahirapan sa buhay, mga kabataang may nakikita pang liwanag sa gitna nang madilim na kapaligiran, mga kabataang agresibo sa tunay na pagbabago, mga kabataang puno ng pangarap. Mga kabataang isinasapuso pa rin ang aral, habilin at ideolohiya ni Gat Jose Rizal. Pero kakaunti na lamang yata sila, ganunpaman sila pa rin ang maituturing na pag-asa ng bayan. Bakit? Wala naman tayong pagpipilian. Dahil ang matatanda’y kukupas, lilipas at patuloy na nilalamon ng nabubulok na sistema.

Bagong henerasyon. Bagong Pag-asa. Huwag kalimutan hangga’t buhay ka (pa) may pag-asa.
Kabataan, sila ang pag-asa ng bayan.