“Heto five thousand pesos tip mo yan” sabi ni madam sa akin. Tuwang tuwa ako habang pinag aaralan ko yung hitsura niya. Sa tantiya ko humigit kumulang 50 years old na sya, pero di sya mukhang mayaman (sa tingin ko lang yun, pero magbibigay ba naman yun ng five thousand na tip kung hindi mayaman). Hindi naman kasi magarbo ang suot, may konting alahas at hindi english speaking. Kadalasan kasi ng mga guests ko halos di nakikipag usap sa Filipino, dumudugo nga lagi ilong ko eh. Kung tama ang pagkakatanda ko, anim sila sa table, ala carte ang order hindi nagbuffet, ayaw daw kasi nyang tumayo para kumuha ng pagkain sa buffet. Tapos pinatawag pa niya yung tatlong kasama kong server sa lounge. Napag alaman ko nagbigay pa siya ng tig five hundred sa kanila, bali six thousand five hundred lahat ang tip nya. Hanep di ba, galante.

Sa isang five star hotel sa Makati ako nagtatrabaho, kung titignan mo yung mga customer namin parang walang naghihirap. Paano ba naman ang presyo ng bottled water namin one hundred ninety pesos, pero halos dalawang daang bote ang nabebenta namin araw araw. One time nga nakabenta ako ng alak na nagkakahalaga ng two hundred fifty thousand pesos. Ang simpleng dessert 500 pesos, plus plus plus pa yun. Plus 12% tax, .8% local tax at 10% service charge. Kinabisado ko talaga paano mag compute kasi maraming nagugulat sa pag inaabot ko na yung resibo, lalo na pag Chinese ang customer mo. (Sorry po sa mga Chinese, pero hindi naman lahat).

Actually, hindi naman mapupunta sa akin ang buong five thousand pesos kasi centralized ang tip namin. Ihuhulog muna sa tip box, tapos hahatiin kada Linggo. Kasama ang mga chef, housekeeping staff, at steward sa hatian. Kahit pwede akong mangupit, ayaw kong gawin kasi takot ako sa karma.

Inasikaso naming mabuti si madam, para kaming sakristan sa simbahan, nakabantay… baka kasi me mahulog sa gamit niya o kaya naman may kailanganin siya hindi nya kami kailangang tawagin pa di ba? That’s what you call anticipation.

“Miss chit na” sabi ni madam. “Hindi sanay sa hotel ”, sabi ko sa sarili ko. Mapapansin mo kasi sa pananalita pag regular hotel guests hindi nila tinatawag na chit; bill o check ang tawag. Pang beer house yata yung chit eh. Pina print ko sa kasama kong server yung bill ni madam habang bibantayan ko pa rin siya. Binigay ko kay madam yung bill folder na naglalaman ng resibo, inabot ng halos sampung libo… at di man lang nagulat. Tinignan ako ni madam, ngumiti sabay sabi “pakilagay Department of @*&^%)##%@ sa resibo” (isang ahensya ng gobyerno).

Langya talaga, kaya pala galante, hindi sa kanyang pera ang ginagastos. Hindi lang yun, nilagyan pa ni madam ng note “TIP 6500” sa ibaba ng resibo. Sa likod ng isip ko, gusto kong isoli yung tip niya sa akin. Sumama ang pakiramdam ko at naalala kong yung sampung libong tax na nakasaad sa payslip ko kada buwan. Pakunswelo de bobo, pero sa totoo lang tax ko rin yung tip na binigay nya sa akin. Kaya pala hangang ngayon, baku baku parin ang daan pauwi sa amin, punit punit ang libro ng mga pamangkin kong nag aaral sa pampublikong paaralan. Pero ano nga ba magagawa ko? Wala kundi magpakabuti sa sarili kong paraan. At maging mabuting halimbawa sa aking mga anak. Malay mo paglaki ng mga anak ko sila ang pumalit sa pwesto ni madam. Malay mo magbago pa rin… pagdating ng araw. Malay natin magkatotoo, di nga lang alam kung kalian.