Ito ang Aking Kwento
Hindi ako mahilig magbahagi ng aking buhay sa ibang tao. Pero dahil sa dami ng mga taong naririnig kong patuloy na sinisisi ang gobyerno o ang kung sinu-sino pa bilang dahilan daw ng nararanasan nilang kahirapan, naisip kong isulat ang aking kwento.
Isinilang ako sa isang maliit na baryo sa Bicol, pinalaki at inalagaan ng aking lola (great grandmother, father side). Namulat sa kahirapan ng aming buhay. Naaalala ko pa ang saya-saya ko noon kapag ang ulam namin ay dahon ng kamote na inilagay sa bagong lutong kanin tapos lalagyan ng kalamansi, o di kaya’y ginataang dahon ng gabi. Pero mas madalas asin at tubig ang ulam namin, wala nga akong konsepto ng asukal eh, hindi yun uso sa amin. Kung minsan, kahit tanghaling tapat nasa gubat ako…naghahanap ng papayang hinog para may pang-ulam kami. O diba pagkain pa lang sa araw-araw hindi na matugunan.
Dahil sa kahirapang ito kinailangan kong matutunan ang lahat ng gawaing bahay, hindi lang yun, kinailangan ko rin matutunan ang mga pamamaraan upang kami ay magkaroon ng pagkain. Grade one lamang ako pero marunong na akong magsaing at magluto ng ulam gamit ang kahoy (hindi kilala ang gas stove o electric stove o rice cooker sa amin), natuto rin akong maglaba, mangahoy, magtanin ng palay, manghuli ng isda, magkatay ng naligaw na manok, at kung anu-ano pa. Noon namang grade two na ako napapadalas na ang pag-absent ko sa eskwela dahil kailangan kong magtinda ng maruya (banana cue). Minsan naman nakikisabay ako sa aming kapitbahay na nagdadala ng paninda sa tabing-dagat. Alas tres pa lang ng umaga naglalakad na kami ng tatlong kilometro para magtinda sa tabing dagat. Sa mga ganitong pagkakataon ako nakakatikim ng isda kasi madalas pinapalit na lang ng isda yung tinda ko. Syempre dahil madalas nga na wala kaming ulam pumapayag na ako, bahala na kahit mapagalitan pa ako ng aking lola ang mahalaga may ulam kaming isda.
Noong grade five na ako sinimulan kong magtrabaho para sa sarili ko. Pumasok akong dishwasher sa isang tindahan na malapit sa pinapasukan kong paaralan. Nagsasawa na kasi ako sa araw-araw na baon namin, kung hindi tuyo malamang ginataang dahon ng gabi, minsan pag sinuswerte pritong malilit na galunggong. At least nung nagtatrabaho na ako as dishwasher nakakatikim ako ng meatballs, adobo, sopas, at nilagang karne ng baka…o diba?
Nang makapagtapos ako ng elementarya kinuha ako ng aking lola (father side). Nagtatrabaho sya nun bilang isang katulong, ang swerte ko kasi ang bait ng amo ng lola ko pinayagan nila akong tumira sa bahay nila. Yun nga lang binawasan pa ang maliit na sweldo ng lola ko at kinailangan ko ring tumulong sa mga gawain, in short katulong din ako pero pag wala lang pasok. Ang sarap pala mabuhay kasama ng mayayaman, doon natikman ko ang mga pagkain na sa simula’y hindi ko kilala tulad ng hotdog, ham, bacon, arroz de valenciana, chiffon cake, pili rolls, siopao, at marami pang iba. Doon din ako natutong gumamit ng rice cooker, washing machine, aircon, gas stove, blender, electric fan, oven toaster, at microwave oven. Bongga di ba? Kahit sa panaginip hindi ko naisip na meron palang mga ganung bagay sa mundo. Doon din ako first time nakasakay sa van at kotse, samantalang nung nasa baryo pa ako halos magtatalon ako sa tuwa kapag dumarating na yung nag-iisang jeep na bumibyahe sa amin. At take note, isang beses sa isang linggo lang ako nakakasakay ng jeep kaya naman gustong-gusto ko lagi dumarating ang araw ng linggo.
Nakapagtapos ako ng high school na may karangalan sa tulong ng scholarship na ibinigay ng school namin at yung mga tulong din ng amo ng lola ko. Sa mga panahon lang na ito nagparamdam ang mga magulang ko na matagal na palang naninirahan sa Maynila. Kinuha nila ako at pinag-aral sa isang unibersidad, kaya lang sa sobrang layo hindi ko kinaya. Pagkatapos ng isang taon nag-transfer ako sa isa pang unibersidad at yun, dun ko sinimulan ang pagbuo ng aking mga pangarap. Dahil nga mahirap lang kami naghanap ako ng mga pamamaraan kung paano ako makapagtatapos ng pag-aaral. Halos lahat yata ng scholarship na pupwede in-apply-an ko, at bingo! Natanggap ako hindi lang sa isa kung hindi tatlo pang scholarship programs, pero may rules ang unibersidad na dapat dalawa lang ang piliin ko, isang public (bigay ng unibersidad mismo) at isang private (mula sa isang mambabatas). Ang swerte ko talaga bawas na nga ng 75% yung tuition fee ko may natatanggap pa akong 20,000/sem. Pero dahil kapos na kapos kami sa buhay, yung natatanggap kong pera nagiging panggastos ng buong pamilya. Wala kasing permanenteng trabaho ang tatay ko at ang nanay ko naman wala pa sa minimum ang sweldo. Tapos tatlo kaming magkakapatid na sabay-sabay nag-aaral.
Habang nasa kolehiyo ang dami ko rin napasukang trabaho. Naging Student Assistant ako for three years, rumaket sa isang TV station bilang transcriber at video researcher, naging extra sa ilang shows. Kahit ang pagiging Registration Assistant pinasok ko rin, walang sweldo pero libre naman ang pagkain namin sa loob ng halos dalawang linggong enrollment period. Naging madiskarte rin ako pagdating sa mga pangangailangan sa school. Lahat na yata ng mga kaklase ko nahiraman ko na ng laptop, video camera, digital camera, at tripod para lang makagawa ako ng mga projects namin. At makalipas ang apat na taon, hayun nakapagtapos ako sa kursong Broadcast Communication ng may karangalan. Akalain nyo yun nakapagtapos ako?
Sa ngayon nagtatrabaho ako sa isang private organization, hindi ganun kataas ang sweldo pero above minimum naman. At hindi lang yun sobrang bait ng mga boss ko. Ang dami kong natutunan hindi lamang kung paano makisalamuha sa mga nasa kapangyarihan kung hindi kung paano gawin ang mga bagay-bagay ng may pagmamahal. Kasalukuyan rin akong kumukuha ng Master of Arts sa unibersidad na aking pinagtapusan. At buong yabang kong sasabihin, “makapagtatapos ako at matutupad ko ang magandang buhay na pinangarap ko!”
Sana may napulot kayong aral o kung ano pa man sa aking kwento. Gusto kong sabihin na hindi makatutulong kung patuloy nating isisisi sa iba ang kahirapan natin, gumawa tayo ng paraan. Mangarap. Magsikap. Magpursige. Darating ang panahon na makakamit natin ang hinahangad na tagumpay.
—
by sprinklehershey, originally published at www. kuro-kuro.org
©Copyright 2011, Definitely Filipino™ Blog Network. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.


SALAMAT SA PAGBABAHAGI NG KWENTO MO napaka ganda at talgang nakakahanga ka….’
may mga natutuhan ako sa kwento mo.
pagpalain ka ng Diyos sa lahat ng iyong adhikain. Saludo ako sa iyo, sa maganda mong pananaw sa buhay. Tunay na dapat tayong matutong magbilang ng biyayang dumarating sa tin, hindi hadlang ang kahirapan para umunlad. We can break the chain of poverty. Tulad mo nakaranas din ako ng kahirapan, pero yun ang ginamit kong stepping stone para marating ko ang gusto kong marating. Sipag at tyaga, samahan mo ng patuloy na pasasalamat sa bawat araw at bawat biyaya. tunay ka mabuti ang Panginoon lalo pa sa mga patuloy na sumusunod at tumatawag sa kanyang pangalan. Mabuhay ka kapatid. Ipagpatuloy mo ang mabuting gawain
pagpalain ka ng Diyos sa lahat ng iyong adhikain. Saludo ako sa iyo, sa maganda mong pananaw sa buhay. Tunay na dapat tayong matutong magbilang ng biyayang dumarating sa tin, hindi hadlang ang kahirapan para umunlad. We can break the chain of poverty. Tulad mo nakaranas din ako ng kahirapan, pero yun ang ginamit kong stepping stone para marating ko ang gusto kong marating. Sipag at tyaga, samahan mo ng patuloy na pasasalamat sa bawat araw at bawat biyaya. tunay ka mabuti ang Panginoon lalo pa sa mga patuloy na sumusunod at tumatawag sa kanyang pangalan. Mabuhay ka kapatid. Ipagpatuloy mo ang mabuting gawain
if you can’t be them, just join them ^^ hahaha
Inspiring & enlightening as well. Tama ka ang sariling pagunlad di naka dependi kanino man kundi mismo sa sarili natin. Sabi nila pag “pag ayaw may dahilan, pag gusto may paraan” Bonga ka
)
hahahha grabe natatawa ako sa kwento mo,tnx for sharing.parang same tayo ng karanasan…o dba bongga tayo?hahaha sabi nga ng tatay ko POVERTY is NOT A HINDRANCE of success.
Good on ya. Keep it up.
That’s right I tried to break the cycle in my family and I succeeded. Yes I believed the author. It’s the person that make her future not your parents or anyone else .
ang ganda ng ibig mong sabihin pero sana ay nagkomento ka nalang sa wikang Pinoy dahil hindi mo naman nagamit ng tama ang wikang banyaga.
This is a very inspiring article. And the author chose to be anonymous. Kung sino ka man i wish you more success in your career. Your parents are so fortunate to have you.
congrats and keep up!!!