Noong bata pa ako, ako ang tinaguriang dakilang burot at balagoong sa buong sangguniang kabataan ng Mandaluyong. Ako kasi yung laging taya kapag naglalaro kami ng outan-outan ututan, Langit-lupa impyerno, monkey-monkey anabelle, bilug-bilugan assignment assignment suntukan, doctor kwak-kwak, luksong-tinik, luksong baka at tagu-taguan maliwanag ang buwan masarap maglaro sa dilim-diliman.

Ang payat-payat ko kasi noon, patpatin, madaling liparin ng hangin, busabos, madumi at sipunin. Kaya naman madali akong magoyo ng mga kalaro ko noon. Kapag nagmamales-taya kami, automatic yun kahit na alam kong hindi naman ako taya, ako pa rin ang ginagawa nilang taya. Pero dahil bata ako at maliit na yagit na gustong makisali sa laro, pumapayag naman ako. Pagkatapos sa bandang huli, kapag nataya ko sila, sasabihin nila na salimpusa lang ako kaya walang effect ang pagtaya ko sa kanila. Kaya ayun, hanggang matapos na kaming maglaro, ako pa rin ang taya. Mga kumag talaga mga kalaro ko noon! Lalo na si Judave! Kupalaoids talaga yun.

Si Judave.

Si Judave ang laging nang-aasar sa akin noon. Naalala ko ang tukso nila sa akin ay Matapobre kasi ang laki-laki daw ng mata ko. “Hoy matapobre, tagu-taguan tayo, ikaw taya!” “Burot, burot, balagoong! Balagoong!”. Potah, kung alam ko lang ang meaning ng Matapobre noon baka natuwa pa ako kapag tinatawag nila ako ng ganoon eh. Pero syempre pag bata ka, masakit yun kaya naman kapag naiisipan kong gumanti ng tukso, tinatawag ko silang “KRIMINAL!”. Ewan ko kung saan ko nakuha yan pero baka sa panonood ko noon ng Shaider! Yun lang naman ang ginawa ni Judave sa akin, siya ang nagpapauso ng mga pwedeng itukso sa akin.

Si Toto.

Si Toto na ka-tropa ni Ipas at ni Bojok na kapatid ni Nene at ni Baby. Silang lahat ay naging bahagi ng aking masalimuot na kabataan. Si Toto kasi, kaya ko sya naalala kasi ninakaw nya yung relo ko na regalo sa akin ni Papa. Nakita ko yung relo kong suot nya tapos nung kinukuha ko bigla akong sinapak. Hindi na namin nakuha yung relo ko. Sabi niya nawala na daw. Isang beses pa, nakita kong suot naman niya yung bago kong T-shirt na binigay sa akin nung nag-summer workshop ako sa ABS-CBN. Mag-aartista kasi sana ako dati kaso inuna ko ang pag-aaral (char!). Sinabi ko sa nanay ko kaya nung naabutan niya si Toto na suot-suot yung damit ko, ayun pinahubad niya mismo sa gitna ng daan at nabawi namin yung T-shirt ko. Pero syempre, inabangan ako ni Toto sa labas pagkatapos ng iskwela at ayun, sinapak na naman ako. Damulag talaga.

Si Ronald.

Naalala ko naman si Ronald, isang beses lang nya ako sinaktan, pero yun ang pinakanaramdaman ko. Tumatakbo kasi ako noon papuntang tindahan, mabilis ang pagtakbo ko para makauwi agad at makapanood ng Ultraman. Etong si gagong Ronald, sinikmuraan ako. Dahil sa sakit syempre nadapa ako at nagpagulong-gulong sa kalsada. Umuwi akong putikan at sobrang sakit ng sikmura. Sinumbong ko siya kay Mama at sinugod naman si Ronald sa bahay nila. Syempre, alam ko na ang susunod na mangyayari, aabangan ako ni Ronald sa labas at doon gaganti. Yun nga, nasapak na naman ako. Pambihira.

Si Aling Tinay.

Si Aling Tinay ay isang matandang magbabasura sa aming Baranggay. Kung minsan nakikita ko siyang nagtitinda ng kangkong sa may talipapa. Takot na takot ako kay Aling Tinay noon dahil mukha talaga syang mangkukulam. Ang dungis-dungis nya kasi, mas madungis pa sa akin. Hindi sya naliligo. Para siyang taong grasa. Masungit pa at palaging mainit ang ulo. Kaya madami ring mga bata ang takot sa kanya.

Naalala ko noon ang sapakan nila ng nanay ko. Ito kasing apo ni Aling Tinay na si Marvin eh sobrang kupal din. Binatukan siya ni Ronald sa batok syempre. Ayun umiyak siya ng umiyak. Etong si Aling Tinay dumating at galit na galit, bakit daw siya umiiyak, sino daw ang umaway sa kanya. Syempre, dahil isa nga akong burot at balagoong noon, ako ang itinuro ni Marvin na bumatok sa kanya. Kaya ayun, nilapitan ako ni Aling Tinay at sinampal ng bonggang-bongga. Umiyak ako kasi bonggang-bongga rin ang sakit.

Sakto si Mama paparating at nakita pala ang ginawa sa akin ni Aling Tinay. Hala, sugod si Mama. Kitang-kita ko kung papano hatakin ni Mama ang buhok ni Aling Tinay at ingudngod sya sa semento. Ilang ulit din niyang sinampal ng bonggang-bongga sa magkabilang pisngi ang matandang pagmumukha ni Aling Tinay. Isang iglap pa, nakita ko na lang ang mga hibla ng buhok ni Aling Tinay na nasa kamay ni Mama. Hindi ko alam kung maaawa ako o matutuwa sa nangyari pero noong mga oras na yun, doon ko naramdaman na mahal na mahal ako ni Mama at hindi siya papayag na saktan ako ng kung sinong pulubi lang. Mabuti na lang at inawat siya ng mga kapit-bahay namin dahil kung hindi, baka hindi lang yun ang inabot ni Aling Tinay.

(Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Balita ko kasi namatay na siya. )

Aaminin ko, dahil sa experience ko na yan sa mga kalaro ko kung bakit naging mailap ako sa kanila. Magmula noong away nina Mama at ni Aling Tinay, bihira na akong makipaglaro sa mga bata sa baranggay namin. Natuto akong sa bahay na lang manatili pagkatapos ng iskwela at manood ng TV at magbasa ng magbasa ng maraming libro. Kapag lumalabas ako ng bahay, laging na lang akong nakatungo at hindi ko na pinapansin ang mga tao sa paligid ko. Natuto na lang akong mag-laro mag-isa o makipaglaro na lang sa mga kapatid ko. Hindi na nila muli pang nasilayan ang aking artistahing mukha at hindi na nila ako nagoyo pa magmula noon.

Ang Sakristan.

Mabuti na lang at nakahanap ako ng aking bagong pamilya at kalaro sa piling naman ng mga kabataan sa simbahan ng Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy. Oo, maniwala ka o hindi pero naging sakristan ako. Naging tagasilbi ako sa simbahan at doon ko ibinuhos ang aking oras imbes na makipaglaro sa mga bata sa aming baranggay. Dito rin sa simbahang ito unti-unting nabuong muli ang tiwala ko sa sarili ko. Nakakatuwa kasi doon ko naramdaman na pwede naman pala nila akong hindi i-bully pero since ako ang pinakamahina, ako ang palaging kinakawawa. Pero noong nakikita nila ako sa itaas ng altar habang pinag-sisilbihan ang pari, naramdaman ko kung papaano nila ako gusto muling maging ka-close. Pero may wall na, sorry. Ilag na ako sa kanila. Hindi ko na sila kinaibigan muli, although napatawad ko na sila. Char!

The Grand Entrance.

Aaminin ko rin, dahil sa kanila, sinikap kong mapabuti ang buhay ko at mapatunayan ko sa kanila na pagdating ng araw hindi na nila ako maaapi. Laking tuwa ko noong lumipat kami ng Cavite kahit na ayaw kong iwan ang mga kaibigan ko sa simbahan. Naisip ko, isa itong pagkakataon na magsimulang muli. Pasesnya na kung kinimkim ko ang sama ng loob ko sa kanila pero ganun ata talaga kapag bata ka, yun kasi ang foundation ng pagkatao mo eh. Kaya ganun. Tuwing bibisita ako sa dati naming bahay sa Mandaluyong, gusto ko laging grand entrance. Gusto ko makikita nila na ibang-iba na ako sa dating Butsoy na kalaro nila.  Gusto kong makita nila na hindi na ako loser ngayon. Sige Judave, tuksuhin nyo ako ng Matapobre at sinisugurado kong mamatahin talaga kita! Sige Ronald, subukan mong sikmuraan ako at sampung doble ang balik sa’yo! Sige Toto, pagnakawan mo ulet ako at idedemanda kita! Sige Aling Tinay, rest in peace! Char!

Di tulad noon, hindi na kami pwedeng maglaro ng tagu-taguan maliwanag ang buwan, pagkatapos pagkabilang kong sampu nagsi-uwian na pala sila sa bahay nila at iniwan na pala nila ako sa dilim-diliman. Haayst!

Ayokong maging hate post itong kwento ko, I’m just reminiscing my colorful childhood charlar. Kahit papano naman, naging bahagi sila ng aking pagkatao at ipinagdarasal ko pa rin ang kanilang tagumpay sa buhay. Basta ako, pogi! Char again! hahaha.

Oh sya sige babay na muna. napahaba kwento ko. Sana nag-enjoy ka! LOL. :D