Tripoli, Libya

Linggo o buwan na din ang binibilang buhat ng masimula ang kabi-kabilang protesta dito sa gitnang silangan. Marami ang nagulat at namangha ng simulan ng mga Tunisian ang pag-aaklas laban sa lider ng kanilang bansa. Ito ay kaagad na nasundan ng pagkabalisa na humantong din sa madugong sagupaan sa pagitan ng gobyerno at taong-bayan sa bansang Egypt.Sumunod and mapayapang protesta ng mga mamamayan ng bansang Bahrain, Yemen, Algeria at ang pinakamadugo sa lahat ang Libya.

Marami ang naniniwala na ipinagbabawal ang pagwewelga sa mga bansang ito sa gitnang silangan. Kung hindi man ipinagbabawal ay hindi ito karaniwan para sa kanila. Ilang henerasyon ng nag lilider-lideran ang mga namumuno sa mga bansang ito subalit nakapagtataka at nakakatuwa na din sa isang banda na nabuksan na ang isipan ng mga mamamayan.

Tama ang palagiang salita na aking narinig sa mga matatanda magmula pa sa aking pagkabata. Palaging may dalawang mukha ang piso. Sa kaso ng pangyayari dito sa gitnang silangan ay malinaw na makikita ang dalawang mukhang ito. Ang magandang mukha ng demokrasya na minimithi ng mga mamamayan. Ang magluklok ng mga lider na sila mismo ang maghahalal at maipahayag ang kanilang saloobin na walang takot na maaaring ito na ang kanilang huling araw o di kaya naman ay magigising na lamang sila kinabukasan sa malamig na rehas na bakal. Maganda sapagkat makikita ng sinuman na ang unti-unting pagkabukas ng isipan ng mga taong kung pakalilimiin lamang ay mga koserbatibo sa totoong kahulugan ng salita. Bakit kung gayon? Sapagkat hanggang sa panahong ito ng modernong panahon ay nanatili silang sumusunod sa sinaunang kaugalian. Sa kabilang banda marami na ang nagbuwis ng buhay at magbubuwis pa kung kinakailangan upang makamit ang kanilang mithiin. Marami na ring ari-arian ang nawasak at may ilang porsyento na din ang nawalan ng hanapbuhay bunga ng mga pangyayaring ito.

Halos ang buong mundo ay nakatutok sa mga pangyayaring ito. Ang mga mata ay palagiang nasa mga balita. Iba’t- ibang opinyon at saloobin na ng mga lider ng mga makapangyarihang bansa at organisasyong pang internasyunal ang nalathala sa iba’t-ibang pahayagan at maging sa mga telebisyon at radyo. Subalit magpasahanggang ngayon ay nananatili pa ring blangko kung ano ang kahihinatnan ng mga pangyayari. Nananatiling isang malaking tanong kung hanggang kailan pa o hanggang saan pa.

Maraming Pilipino ang naiipit sa kaguluhang ito. Mga manggagawang umalis ng bansa upang hanapin ang magandang kapalaran dito sa gitnang silangan. Umaasang sa hindi malayong panahon ay makakamtan na din ng mga taong kanilang naging kaibigan o kapalagayang loob ang kanilang ipinaglalaban. Umaasang sa hindi malayong panahon ay matatapos na ang mga kaguluhan. At patuloy na umaasang may gobyernong maaring takbuhan sa oras na magkagipitan.

Nawa ay sa tulong ng Maykapal ay magkasundo ang mga pwersang nagtutunggalian para sa kapakinabangan ng higit na nakararami.