Yan ang isa sa pinakamainit na talakayan ngayon sa Pilipinas. Mayroon kasing isang aktibista na nakabihis-Rizal ang pumunta sa isang simbahan na may dalang plakard na “Damaso” a la Noli Me Tangere. Sa aking pagkakaintindi, ginawa nya ito bilang sagot sa ibinantang “civil disobedience” at pagwewelga ng simbahan sa pagpasa ng nasabing panukalang batas.

Bago ang lahat, nais ko munang ipahayag ang mga sumusunod. (1) Binyagang Katoliko ako (baka maging eks komunikado kung sakaling hindi magustuhan ng simbahan ang sasabihin ko). (2) Kristiyano ako at may pananampalataya sa Diyos (pati ang simbahan walang magagawa sa paniniwala ko kay Kristo, paniniwala ko yun e). (3) Madalas akong nakikibalita sa mga nangyayari sa ating minamahal na bansa. Pero bihirang makapanood ng balita. Madalas sa “internet” lang. Kaya hindi ko rin sigurado kung tama ang mga nababalitaan ko. (4) Hindi ko pa nababasa (at malamang hindi ko babasahin) ang detalye ng nasabing RH Bill. Pero higit sa lahat, ang dapat nyong malaman sa akin ay ang di maitatangging katotohanan na (5) marami akong opinyon sa mga bagay-bagay. At ibinibigay ko ito kahit hindi hinihingi. Itanong nyo na lang sa mga nakakakilala sa akin at malamang di lang masigabong pagtango at “oo” ang matanggap nyo.

Philippines - Manila Cathedral
Creative Commons License photo credit: © Salim Photography/ www.salimphoto.com

At eto ang aking opinyon tungkol sa mga nangyayari sa paligid ng batas na ito.

Tungkol sa “Damaso”
May katapangan ang gumawa. Masaya ang iba. Galit ang iba. Naaaliw tayo ngayon at may napapag-usapan. Ang masasabi ko? Lahat ng bagay may tamang lugar at tamang panahon. Gayong nangyari na, sana lang may maganda ngang magiging dulot ito. Malalaman natin. O baka hindi rin.

Tungkol sa “Civil Disobedience”
Medyo nabigla ako ng narinig ko ito. May respeto ako sa simbahan at bilib sa mga may lakas ng loob na duminig sa tawag ng Diyos para magsilbi. Pero naaalala ko kasi yung sinabi ni Kristo kay Pedro. “Ang nabubuhay sa patalim…” alam nyo na yung kasunod. At wag nyong sabihing “…pag natinik malalim”.

Tungkol sa “Abortion”
Sasabihin ng iba na dapat gawing ligal. Ligal man o hindi, may gumagawa naman daw. Kaya dapat gawing ligal. Pero sa tingin ko dapat gawing iligal para mag-isip-isip naman yung nagbabalak gumawa. Sa paniniwala ko, bawal ang pumatay. Period.

Tungkol sa “Condom”
Kung solusyon ito para maiwasan ang AIDS at iba pang STD, baka nga may silbi.

Tungkol sa “Abortion” at “Condom”
Malamang iniisip nyo magkaiba ang opinyon ko sa dalawang bagay na mukhang magkapareho. Nakakalito di ba? Minsan nalilito na din ako. Pero tunay naman kasing masalimuot ang isyu na ito gaya ng lahat ng diskusyon sa moralidad ay masalimuot. Gray ‘ika nga. Ang iniisip ko lang. Iligal ang abortion ngayon (sa pagkakaalam ko). Kaya mas konti ang gumagawa (sa tingin ko) dahil nga iligal. Ligal ang condom. At sa dami ng bumibili at kung paano ibinebenta mukha namang ligal. Pag ipinagbawal, ilan kaya ang susunod? At maipapatupad nga kaya ng tama? Minsan gusto natin ng pagbabago sa mga bagay na baka hindi naman dapat baguhin. Tapos yung mga dapat binabago ayaw baguhin. (Maraming nakataas ang kilay alam ko).

http://www.facebook.com/profile.php?id=1527017758

 

Tungkol sa “RH Bill”
Tulad ng nasabi ko hindi ko pa ito nababasa. Kaya sa totoo lang, wala akong opinyon dito.

Ang alam ko lang, naniniwala ako kay Kristo. At dahil dito –

(1) Naniniwala ako sa panalangin. Kaya ipinapanalangin ko na sana tama ang gawing desisyon ng mga naihalal nating mambabatas. (Yun ang trabaho nila e. Sabihin kung ano ang ligal at hindi. At pag mali e di baguhin ulit). At dahil din sa pananampalataya ko, naniniwala ako sa pag-asa (“hope” hindi yung nagsasabi kung may bagyo o wala). At natutunan ko na din namang tanggapin na hindi lahat ng ligal e tama at moral. Pero lahat ng ligal e dumadaan sa proseso ng gobyerno.

(2) Naniniwala ako sa moralidad at simbahan. Kaya dapat lang nilang ipatuloy ang pagbigay at pagkalat ng mabuting balita at mensahe ng Diyos sa atin. At magbigay ng pahayag kung ano ang pinaniniwalaan ng simbahan. At matuwa at magpunyagi kapag nasusunod ang ibig ng Diyos.

(3) Naniniwala ako na dapat maging responsable. Kaya sa tingin ko hindi ka dapat gumawa ng anak kung hindi mo kayang alagaan at buhayin. Kung sabihin mong nadisgrasya, panindigan mo. Natuwa ka naman yata nung ginagawa mo e. At dapat ding maging responsable na dapat sabihan ang mga kapamilya, kapuso, kaibigan at kapwa mamamayan na mag-ingat at kung paano mag-ingat. Nakamamatay ang AIDS. Ganun e. Nakamamatay talaga e. Ang buod e kung ayaw mong madisgrasya e di wag mong gawin ang sa tingin mong delikado. Dapat lang ipaalala ang mensaheng ito sa ating mga kababayang nakakalimot.

(4) Pinipilit at pipilitin kong lumakad sa matuwid na landas base sa pananampalataya ko. Palagi ko bang nagagawa? Malamang hindi. Pero sinusubukan ko.

At yan ang opinyon ko. Na hindi nyo hinigi. Anong masasabi nyo?